Naawa at nahiya sa anak na biktima ng bullying:ALFRED, nanlumo at parang gumuho ang mundo nang ma-dismiss ang sinampang kaso (ni: ROHN ROMULO)
- Published on June 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGING emosyonal at hindi naitago ang pagkadismaya ng aktor at councilor na si Alfred Vargas matapos ma-dismiss ang kasong isinampa nila sa aktor na si Rob Sy at asawa, mga magulang nang nam-bully raw sa kanilang anak.
Sa kanyang Facebook post nitong Sabado, May 30, inihayag ni Alfred ang labis na kalungkutan matapos mabasa ang naging desisyon ng korte.
Pero kahit nalungkot at nadismaya siya, lumakas pa rin ang kanilang loob na ipagpatuloy ang laban dahil sa mga mensahe at suportang natanggap nilang pamilya mula sa netizens at mga kaibigan.
“Aaminin ko na nanlumo ako pagkabasa ko ng desisyon. Parang gumuho ang mundo ko,” pahayag ng aktor.
“Naawa ako sa aking mga anak. Nahiya ako sa kanila. I felt like I failed them as a parent.”
Pagpapatuloy pa niya, “Wala na ba kaming matatakbuhan? Wala na bang tutulong sa anak kong biniktima ng paulit-ulit na bullying?”
Himutok pa ni Alfred, “Seven years old lang ang anak ko. Sinaktan siya ng paulit-ulit, binigyan ng trauma, namiligro ang buhay niya, ipinahiya sa harap ng maraming tao. Sinira ang kaniyang dignidad.
“Tapos sasabihin na ‘away bata’ lang at wala na kaming magagawa? Paano na yung anak ko na biniktima? Wala ba siyang karapatang mabuhay na ligtas at walang takot?”
“But in our moment of doubt, all of you gave us clarity and purpose. You gave us strength. Nalaman namin na hindi kami nag-iisa,” sabi ni Alfred.
Dagdag pa niya,“Yasmine, my children, and I are overwhelmed with gratitude.”
Nagpapasalamat din si Alfred sa mga nagdarasal at sumusuporta sa kanilang pamilya.
“You have inspired us to continue working for the truth and for a safer community for our children. We say no to bullying with greater determination. Itutuloy namin ang aming pagtutol at paglaban sa bullying.
“Maraming, maraming salamat sa inyong pagmamahal at panalangin,” pahayag pa ni Alfred.
At sabi nga ni Alfred, tuloy lang at ‘di sila susuko dahil hindi pa tapos ang laban.