Mula sa mahabang bakasyon… LTFRB, NAKA-ALERTO SA MILYUN-MILYONG PASAHERONG UUWI
- Published on January 2, 2026
- by @peoplesbalita
NAGBIGAY-ALERTO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangangasiwa ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, sa lahat ng tauhan nito bilang paghahanda sa pagbiyahe ng milyun-milyong Pilipinong mananakay matapos ang mahabang bakasyon ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inabisuhan na niya ang mga kompanya ng bus at iba pang transport operators na tiyakin ang pagiging ligtas at maayos ng kanilang mga sasakyan upang masiguro ang walang aberyang biyahe ng mga pasahero.
“Ang pagsunod ng mga kompanya ng bus at iba pang transport operators ay susuriin sa pamamagitan ng mga random at biglaang inspeksyon na isasagawa kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan,” ani Chairperson Mendoza.
“Layunin nating matiyak hindi lamang ang kaligtasan ng mga pampublikong sasakyan kundi pati ang kahandaan ng mga tsuper, lahat ng ito ay para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada,” dagdag pa niya.
Dalawang nakamamatay na aksidente ang naitala sa panahon ng pag-uwi ng mga pasahero nitong Kapaskuhan, kaya’t target ng LTFRB ang zero road crash habang bumabalik ang milyun-milyong pasahero sa mga lungsod matapos ang bakasyon.
Inatasan din ni Chairperson Mendoza ang lahat ng Regional Directors na agad tugunan ang anumang reklamo at hinaing ng mga pasahero, lalo na laban sa mga pasaway na taxi drivers.
Babantayan din ng LTFRB ang pagsunod ng mga taxi companies at ride-hailing services sa mga bus terminal, pantalan, at paliparan sa buong bansa.
“Tututukan natin ang mga reklamo ng isnabero at pangongontrata ng ilang taxi drivers lalo na sa mga paliparan,” ani Mendoza.
Hinimok din niya ang mga pasahero na idulog ang kanilang mga reklamo sa LTFRB Hotline 0956-761-0739, at nangakong agad na kikilos sa mga hinaing kaugnay ng pampublikong transportasyon.
“Magkaisa tayo para mapabuti ang serbisyo ng ating transport system. Lalakas ang loob ng mga tiwaling PUV drivers kung walang magrereklamo. Magtulungan tayo sa bagay na ito,” binigyang-diin ni Mendoza.
(PAUL JOHN REYES)