• August 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MRT-3 libre tuwing Miyerkules ng Agosto – DOTr

MAGPAPATUPAD ng libreng sakay ang ­Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) tuwing araw ng Miyerkules sa loob ng buwan ng Agosto, sa seleb­rasyon ng pagsasabatas ng Republic Act 11055 o (Philippine Identification System Act) sa mga magpiprisinta ng balidong national ID.

Ayon sa advisory ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes, hindi na magbabayad ang mga mananakay sa mga petsang Agosto 5, 12, 19, at 26, simula alas-7 ng ­umaga hanggang alas-9 ng ­umaga, at alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Mag-aalok din ng hiwalay na libreng sakay sa Setyembre 16, 2026, bilang pagdiriwang ng Global Identity Day.

Maaaring ipakita ng mga commuter ang kanilang pisikal na National ID, Digital ID, o ePhilID sa papel na format upang ma-avail ang ­libreng serbisyo.

Ang inisyatiba ay partnership ng DOTr-MRT-3 at Philippine Statistics Authority (PSA), na nagsasagawa rin ng National ID registration sa Araneta-Cubao at Taft Avenue stations ng MRT-3.

Itinatag ng RA 11055 ang Philippine Identification System (PhilSys), ang nag-iisang national ID system ng bansa na pinangangasiwaan ng PSA. (DARIS JOSE)