Most wanted person sa robbery-homicide sa Caloocan, nakorner sa rehas
- Published on May 9, 2025
- by @peoplesbalita
SA LOOB na ng selda isinilbi ng pulisya ang arrest warrant laban sa isang lalaki na akusado sa robbery with homicide matapos makulong sa hindi nabanggit na kaso sa Caloocan City.
Sa ulat, nakakuha ng kopya ng warrant of arrest ang Northern Police District’s District Investigation and Detective Management Division (DIDMD) laban sa 23-anyos na si alyas “Rolly” na residente ng Novaliches, Quezon City.
Ayon kay P/Col. Allan Umipig, hepe ng DIDMD, ang arrest warrant ay inisyu ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 121, para sa kasong Robbery with Homicide, noong January 10, 2024 na walang inirekomendang piyansa.
Gayunman, natuklasan ng mga tauhan ng DIDMD na kasalukuyang nakakulong si alyas Rolly sa Caloocan City Jail sa Talimusak corner Tanigue Street, Kaunlaran Village, Barangay 18, sa hindi nabanggit na kaso.
Dahil dito, agad isinilbi ng mga operatiba ng DIDMD Tracker Team 3 ang naturang arrest warrant laban kay alyas Rolly sa loob ng CCJ dakong alas-9:50 ng umaga at ipinaalam din sa kanya ang uri ng kanyang pagkakasala at mga karapantan niya.
Pinuri naman ni NPD District Director P/BGen. Josefino Ligan, ang DIDMD at lahat ng sangkot na tauhan nito para sa kanilang hindi natitinag na pangako sa pagtataguyod ng batas at pagbibigay ng hustisya.
“The Northern Police District remains steadfast in its mission to track down fugitives and maintain peace and order throughout the CAMANAVA area,” pahayag niya. (Richard Mesa)