MONTHLY FINANCIAL SUPPORT PARA SA MGA TRANSPORT SERVICE ENTITIES, ISINUSULONG NG DOTr at LTFRB
- Published on November 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na pangalagaan ang kapakanan ng sektor ng pampublikong transportasyon at matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga pampublikong sasakyan, isinusulong ng Department of Transportation (DOTr), sa pamumuno ni Secretary Vince Dizon, katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangunguna ni Acting Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., ang pagbibigay ng Monthly Financial Support para sa mga kwalipikadong Transport Service Entities (TSEs).
Sa ilalim ng programang ito, magkakaloob ang pamahalaan ng ₱20,000 na buwanang financial assistance kada kuwalipikadong modern public utility vehicle unit upang makatulong sa pagbabayad ng buwanang amortization o sa pagtugon sa mga gastusing may kaugnayan sa operasyon.
Layunin ng programang ito na maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga transport operators, maiwasan ang posibleng pagkakautang at foreclosure ng kanilang mga sasakyan, at higit sa lahat, matiyak ang pagpapatuloy ng kanilang serbisyo sa mga commuter.
Patuloy ang LTFRB Region 1 sa pakikipag-ugnayan sa mga Transport Service Entities upang maipabatid ang mga kaukulang programa at mekanismo ng pamahalaan na naglalayong suportahan ang kanilang operasyon at mapanatili ang maayos at maaasahang pampublikong transportasyon.
Patuloy ang pagkilos ng pamahalaan para sa mga transport operators, drivers, at commuters. (PAUL JOHN REYES)