MID-YEAR BONUS NG MGA EMPLEYADO NG MANILA CITY HALL, IBINIGAY NA
- Published on May 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGPALABAS si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng P350 milyong pondo para sa mid-year bonus nang mahigit 8,000 empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
“Noong Huwebes, nilagdaan ko ang pagpapalabas ng halos P350 milyon para sa inyong mid-year bonus,” ani ng alkalde sa isinagawang flag-raising ceremony sa Manila City Hall.
“Mamayang alas-dose ng tanghali, maaari niyo nang kunin. I-check niyo na. Sa inyo na ’yan, ingatan niyo ’yan,” dagdag niya.
Sa kanyang mensahe sa mga empleyado at residente ng lungsod, sinabi ng alkalde: “Eyes on the ball, doon lang tayo,” at iginiit na hindi dapat makaapekto sa pang-araw-araw na buhay at mga obligasyon ng mga Manileño ang mga hindi pagkakaunawaan ng mga pambansang lider.
Ipinaliwanag din ng alkalde na nakatakda sanang ilabas ang bonus noong nakaraang linggo ngunit naantala ito dahil sa mga patakaran ng Civil Service na nagbabawal sa pagpapalabas ng naturang benepisyo bago sumapit ang ika-15 ng buwan.
Hinimok din ni Domagoso ang mga empleyado na maging maingat sa paggamit ng kanilang bonus.
“Deserve ninyo ’yan, pero kailangan ninyo ring mag-ipon. Magtabi kayo para sa oras ng pangangailangan,” ani niya.
Ginamit din ng alkalde ang pagkakataon upang tiyakin sa mga empleyado ng lungsod na matatanggap nila ang kanilang benepisyo nang hindi na kailangang humingi pa.
“Kung ano ang nararapat para sa inyo, ibibigay sa inyo. Hindi ninyo kailangang hingin pa,” saad ng alkalde. (Gene Adsuara)