• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga maliliit na lungsod, munisipalidad prayoridad sa distribusyon ng patient transport vehicles

PRAYORIDAD ng gobyerno na bigyan ng patient transport vehicles (PTVs) ang mga mas maliit na mga lungsod at munisipalidad para suportahan ang kanilang health projects.
Ipinahayag ito ng Pangulo sa isinagawang distribusyon ng patient transport vehicles sa Dipolog City.
”At inuna namin – hindi namin muna pinarioritize (prioritize) ‘yung malalaking lungsod, the big cities because usually mayroon na silang mga facilities. Hindi urgent. Iyong mga maliliit ang inuna namin. Inumpisahan natin fourth, fifth, sixth class na municipality. Then slowly we’ll work our way back,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, ang gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Charity Sweepstakes Office, namahagi ng 1,067 PTVs simula pa noong June 2022.
Sinabi ng Pangulo na ipagpapatuloy niya ito gaya ng nilalayon ng kanyang administrasyon na magbigay ng mga ambulance sa lahat ng local government units sa pagtatapos ng taong ito.
Sa kabilang dako, naglaan ang PCSO ng P1 billion ngayong taong 2025 para bumili ng 395 pang PTVs para sa paghiling ng local government units at national government agencies.
May kabuuang 106 PTVs ang ipamamahagi sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Lanao del Sur at Isabela City sa Basilan. ( Daris Jose)