• October 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga kumpanyang nag-abandona ng hindi nagamit at nakalaylay na kable, pagmultahin

NAIS ni Parañaque Representative Brian Yamsuan na pagmultahin ng malaki multa at suspensiyon o pagbawi ng local government-issued permits ang mga public utility companies na nag-abandona o hindi nag-alis ng kanilang hindi nagamit at nakalaylay na kable mula sa poste.

Sinabi ni Yamsuan na layon ng inihain niyang House Bill (HB) 11461 na maaalis ang buhul-buhol o yaong tinatawag na “spaghetti wires” na hindi lamang pangit tignan kundi isang panganib sa kaligtasan ng publiko at imprastraktura.

“We want utility firms to be held accountable for failing to address this longstanding urban eyesore and hazard. Our measure not only imposes penalties, but also sets clear standards for the installation, identification, and maintenance of utility cables so that we could finally rid our communities of spaghetti wires overloading utility poles,” ani Yamsuan.

Marami aniya sa mga buhul-buhol at nakalaylay na kable ay pawang mga non-operational TV at cable lines habang ang iba ay mga internet at telecommunication wires at illegal jumper connections na nakabuhol sa legal electrical connections.

Nangangamba ito na ang mga nakalaylay na kable ay maaaring makakuryente, sumiklab o magpasimula ng structural fires partikular na sa mataong komunidad at high-traffic areas.

Pinapurihan naman nito ang mga siyudad ng Manila, Taguig, San Juan at iba pang LGUs na nagpatupad ng inisyatibo na linisin ang kanilang komunidad ng spaghetti wires sa pakikipagkoordinasyon sa utility providers.

“Marami sa mga LGUs natin ang may mga ordinansa at regulasyon na para atasan ang mga utility providers na ayusin ang pag-install at pag-maintain ng kanilang mga linya pero tila hindi ito nasusunod.

What we need is a strict legal framework that clearly holds public utility entities accountable, which is why we are pushing for the passage of our proposed measure,” ani Yamsuan.

Sa ilalim ng Section 4 ng HB 11461, ang mga public utility providers ay mandatoryong ayusin at imentina ang mga nakalaylay na aerial utility wires, alisin ang mga non-operational na kable, at irelocate, irepair o palitan ang mga nasirang poste na nakadagdag sa unsafe o improperly positioned overhead wires.

Inaatasan din sa panukala na siguruhin ng mga utility providers na ang kanilang mga aerial wires ay nakasunod sa minimum safety clearance standards na ipinapataw ng kaukulang government agencies, at magsagawa ng periodic inspections at maintenance ng aerial utility infrastructure sa loob ng kanilang service areas.

Multang P300,000 ang papataw sa alinmang public utility firm na nabigong sumunod, sa loob ng isang taong grace period, sa nakasaad na safety provisions nakasaad sa Section 4.

Ang kabiguang alisin ang non-operational lines o sumunid sa iba pang safety provisions sa ilalim ng Section 4 ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P100,000 sa bawat araw ng hindi pagsunod.

(VINA de GUZMAN)