Mga kumpanya ng Discaya, inalis mula sa opisyal na listahan ng PhilGEPS, mas maraming kumpanya nahaharap sa ‘ban’
- Published on September 9, 2025
- by @peoplesbalita
PINAGBAWALAN na ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga kontratista na nauugnay sa maanomalyang flood control projects mula sa government procurement.
Tugon ito sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na agad na i-blacklist ang mga tiwaling kompanya.
Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na kinansela na ng Procurement Service-DBM (PS-DBM) ang Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) ang membership ng 9 na kumpanya na nauugnay sa negosyanteng si Cezarah Rowena “Sarah” Discaya.
Naghahanda rin ang PS-DBM na alisin ang mas maraming kompanya kabilang na ang SYMS Construction Trading and Wawao Builders— mula sa registry, sa oras na magpalabas na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng opisyal na blacklisting orders.
Ang hakbang na ito ay naaayon sa New Government Procurement Act (Republic Act 12009), na may mandato na sa oras na i-blacklists ng implementing agency ang isang kontratista, ang PhilGEPS membership ay dapat na ipawalang-saysay o bawiin, epektibong idiskuwalipika ang kumpanya mula sa lahat ng government bidding activities.
Ang PhilGEPS ay pangunahing channel para sa government procurement transactions.
Nauna rito, nangako si Public Works Secretary Vince Dizon na idi-diskuwalipika ang mga kontratista na nasa likod ng substandard o non-existent flood control projects na nagkakahalaga ng milyong piso.
Sinabi naman ni PS-DBM Executive Director Genmaries “Gen” Entredicho-Caong na ang ahensiya ay nananatiling committed sa ‘transparency at accountability.’
Samantala, nagpulong sina Pangandaman at Dizon para rebisahin ang panukalang 2026 DPWH budget, bilang bahagi ng mas pinalawak na reporma na naglalayong ibalik ang public trust sa government spending.
(Daris Jose)