• August 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Metal detectors vs armas ilalagay sa mga public schools

NAGPLANO ang Department of Education (DepEd) na maglagay ng metal detectors sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa bilang hakbang laban sa pagdadala ng mga nakamamatay na armas at iba pang mapanganib na bagay sa loob ng mga kampus.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bibili ang kagawaran ng mga metal detector upang mapalakas ang seguridad ng mga estudyante, guro, at kawani, gayundin upang mabawasan ang pangamba ng mga magulang at guardian.

Sinabi ni Angara na batay sa isinagawang audit ng DepEd, may mga paaralang nanga­ngailangan ng metal detectors dahil may ilang estudyanteng nahuhuling may dalang kutsilyo at iba pang armas. Aniya, mas praktikal ito kumpara sa pagdagdag ng mga security guard dahil mas maliit ang kakailanganing pondo.

Una nang pinag-aaralan ng DepEd ang pagkuha ng karagdagang security personnel ngunit sinabi ng kalihim na may limitasyon sa badyet. Ang hakbang ay tugon sa mga insidente ng karahasan sa paaralan, kabilang ang pamamaril sa Tacloban, at ang pag-atake ga­mit ang kutsilyo sa isang paaralan sa Las Piñas City.

Bukod sa metal detectors, humingi na rin ang DepEd ng tulong sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa posibleng pag-deploy ng mga pulis at barangay security personnel upang dagdagan ang seguridad sa mga paaralan.