Mendiola bantay-sarado sa Araw ng Kalayaan – MPD
- Published on June 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
TINIYAK ng Manila Police District (MPD) na handa silang magbantay at magbigay ng seguridad sa Mendiola sa Biyernes, kasabay nang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa bansa.
Kaugnay nito, personal na ring ininspeksyon ni MPD Director PBGen. Arnold Santiago ang Mendiola kahit ilang araw pa bago ang pagdiriwang ng Independence Day sa Hunyo 12, para sa isinasagawa nilang preparasyon, sakaling magdaos ng mga kilos-protesta ang ilang grupo sa nasabing lugar.
Ayon kay Santiago, nais niyang masiguro na protektado ang sangay ng ehekutibo ng pamahalaan, partikular na si Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa ininspeksyon ng MPD chief ay ang mga pangunahing kalsada, mga gate, papasok, at palabas ng Palasyo ng Malacañang.
Siniguro rin naman ni Santiago na may sapat silang mga tauhan upang magbantay sa Malacañang at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod ng Maynila, sa Araw ng Kasarinlan sa bansa.