• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mayor Jeannie, nanguna sa relief operations para sa mga biktima ng sunog

PERSONAL na pinangunahan ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang relief operations para sa 259 na pamilyang naapektuhan ng malaking sunog na tumama sa Sitio 6, Barangay Catmon noong Miyerkules.

Tiniyak ng alkalde na ang pagtugon ng pamahalaang lungsod ay mabilis, maayos ang pagkakaugnay, at nakatuon sa kaligtasan, kapakanan, at agarang pangangailangan ng mga lumikas na pamilyang Malabueño.

“Ang mga paunang tulong na ito ay agad po naming inihanda para maipamahagi sa inyo. Alam po namin ang bigat, lungkot, at pangangambang nararamdaman lalo na ng mga pamilyang naapektuhan ng naganap na sakuna sa Catmon. Kaya po sinisiguro ko sa inyo, na tayo sa pamahalaang lungsod ang inyong kakampi, kaagapay, at sandigan ngayong oras ng pangangailangan,” pahayag ni Mayor Sandoval

Ang City Social Welfare and Development Department (CSWDD) naman ay namahagi ng food packs na naglalaman ng bigas , coffee, noodles, water, at canned goods, Kasama ang hygiene kits na naglalaman ng toothbrus, toothpaste, soap, shampoo, etc., sleeping kits, at iba pa para sa 494 pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa Malabon Evacuation Center, Catmon Integrated School, Tonsuya Integrated School, Tonsuya Covered Court at Acacia Elementary School.

Nagtalaga din ang pamahalaang lungsod ng mga water refilling station, ang Mobile Jeannie Services, 121 modular tents, portalet, ambulansya, a emergency vehicles. Nakaalerto rin ang health centers at medical stations na itinayo malapit sa mga evacuation area.

Agad namang nabigyan ng agarang medikal na atensyon ang pitong indibidwal na nagtamo ng mga pinsala habang inaapula ng mga awtoridad ang apoy.

“Tayo po sa pamahalaang lungsod, sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, ay nakatutok sa kapakanan ng mga residenteng naapektuhan ng sunog na ito. Prayoridad po natin ang kanilang kaligtasan at kalusugan, at ang kaayusan sa loob at labas ng mga evacuation centers para sa kasiguraduhan na sila ay nasa maayos na kalagayan,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete.

Samantala, nagbukas ng donation drive ang pamahalaang lungsod para sa mga nasunugan. Hinihikayat ang mga Malabueño, organisasyon, at grupo na mag-donate ng disenteng damit, de-lata, toiletries, at iba pang mahahalagang gamit sa City Human Resource Management and Development Department (CHRMD) na matatagpuan sa 9th floor ng Malabon City Hall. (Richard Mesa)