• September 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MAYOR AT ILANG KAWANI NG ISANG LGU SA QUEZON PROVINCE NA WALANG SUOT NA HELMET, AGAD NA INISYUHAN NG SCO

IPINAG-UTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang agarang pagkilos laban sa isang mayor at ilang kawani ng isang Local Government Unit (LGU) sa Quezon Province na nasangkot sa paglabag sa batas-trapiko matapos makitang bumibiyahe sakay ng kanilang mga motorsiklo nang walang suot na standard protective motorcycle helmet.

Nang makarating sa ahensya ang video at mga larawang may kaugnayan sa insidente, agad na nagbigay ng direktiba si Asec. Lacanilao sa Intelligence and Investigation Division (IID) na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga rehistradong may-ari at itinalagang rider ng mga sangkot na motorsiklo.

Kaya naman, nakapag-isyu ang ahensya ng Show Cause Order (SCO) upang bigyan sila ng pagkakataong magpaliwanag kaugnay ng nasabing paglabag. Inaatasan ang mga ito na humarap sa tanggapan ng IID ng LTO Central Office sa Oktubre 1, 2026, para sa pagdinig. Kinakailangan din nilang magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kalakip ang mga dokumentong maaaring sumuporta sa kanilang panig, upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat managot ang mga rider sa mga kasong nakasaad sa SCO, kabilang ang Mandatory Use of Motorcycle Helmets. Kailangan din nilang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring magresulta sa pagsususpinde o pagbawi ng kanilang mga lisensya sa pagmamaneho.

Kasabay nito, inilagay sa alarm ang tatlong motorsiklo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Preventively suspended din nang 90 araw ang mga lisensya ng mga rider at inatasang agarang pagsuko ng mga ito sa IID.

“Bilang mga kawani ng pamahalaan, dapat tayo mismo ang nangunguna sa pagsunod sa batas. Hindi natin maaaring ipatupad ang mga batas-trapiko sa iba kung tayo mismo ay hindi sumusunod dito,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

“Akala nila palalampasin natin ang kanilang ginawa. Hindi ganoon ang LTO. Anuman ang paglabag, makakarating at makakarating ito sa aming tanggapan, at kikilos kami para panagutin ang mga lumalabag,” dagdag niya.

Patuloy ang LTO sa pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang laban sa mga paglabag sa batas trapiko, anuman ang katayuan o pinanggalingang ahensya ng mga sangkot. Muling nagpapasalamat ang ahensya sa publiko sa patuloy na pag-uulat ng mga paglabag. Makakaasa ang publiko na walang pinipili ang LTO sa pagpapatupad ng batas at pananagutin ang sinumang mapatunayang lumabag dito. 

(PAUL JOHN REYES)