• October 29, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

May pangalawang pagkakataon para sa mga humaharap sa batas, walang takas para sa mga tumatalikod dito- PBBM

SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang hustisya ay hindi lamang tungkol sa pagpaparusa, kundi pati sa pagbibigay ng tunay na pagkakataon sa mga person deprived of liberty (PDL) na magbagong-buhay at makapagsimulang muli. 

Kasabay nito aniya ang malinaw na pagpapatupad ng batas laban sa lahat, anuman ang pangalan, posisyon, o koneksiyon, at tutuparin ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng outstanding warrant sa buong bansa.

Sa pagdiriwang ng ika-32 National Correctional Consciousness Week sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng rehabilitasyon at reporma upang maihanda ang mga PDL sa kanilang pagbabalik sa pamilya at lipunan. 

Kabilang dito ang pagpapabilis sa pagpapalaya ng mga kuwalipikadong PDL, legal assistance, at mga programang pang-edukasyon, pagsasanay sa kasanayan, at kabuhayan.

Sinasabing, mula Hulyo 2022 hanggang Oktubre 26, 2026, umabot sa 36,842 PDL ang napalaya sa iba’t ibang paraan, habang 16,179 ang nailipat sa ibang bilangguan at penal farms upang makatulong sa pagbawas ng pagsisikip. 

Bukod dito, 24,534 PDL ang nakatanggap ng mga programa sa rehabilitasyon bago lumaya, at 25,210 dating PDL ang nabigyan ng tulong at referrals para sa kabuhayan matapos ang kanilang paglaya.

Sa ilalim ng pamamaraang ito, isinusulong aniya ng pamahalaan ang makataong hustisya na nagbibigay ng pagkakataong magbago sa mga kuwalipikado, habang tinitiyak na walang sinuman ang nasa ibabaw ng batas at lahat ay mananagot sa kanilang mga obligasyon dito.

 (DARIS JOSE)