Matapos na mag-resign ang manager for six years …BEA, ima-manage na ng festival director ng CPFF na si CHRIS (ni: ROHN ROMULO)
- Published on August 24, 2026
- by Francis Paolo Torres
ANG kilalang festival director ng CinePanalo Film Festival na si Chris Cahilig ang pansamantalang pumalit manager ni Bea Alonzo after na mag-resign ang six-year manager ng aktres na si Shirley Kuan.
Last Sunday, August 23, maraming nakapansin sa makahulugang Facebook post ni Cahilig na, “Life is full of surprises.”
Maraming nag-congratulate sa kanya na mula sa entertainment industry, kasama rito ang press people, dahil kalat na ang naturang balita.
Sa isang interview, ibinahagi ni Cahilig na nagbitiw si Kuan noong Agosto 11, kaya nilapitan at pinakiusapan siya ni Bea at ng asawang negosyante na si Vincent Co, siya muna ang pansamantalang hahawak sa showbiz career ng aktres.
Bilang interim manager, siya ang mag-aasikaso ng mga unfinished business, at pati na rin sa inquiries para sa endorsements ni Bea.
Pahayag pa ni Chris, ang pagpapalit ng management ay dumating ilang linggo after na ikasal sina Bea at Vincent sa Makati City Hall noong Hulyo 13.
Bagama’t priority ni Bea ang kanyang buhay may-asawa, pag-uusapan din nila ang plano sa kanyang showbiz career.
Samantala, si Chris Cahilig ay presidente ng Insight 360, isang marketing at media firm at naging film at music producer, director, at talent manager.
Kaya sa tingin namin, na maganda at mahusay na mga kamay ang career ni Bea Alonzo.
***
Comeback solo single ni Stell na “Crazy”, top trending topic
TULAD nang inaasahan, nanguna sa top trending topic sa Philippines ang #StellCrazy sa “X”.
Saktong 12AM ng August 21 nang ilabas ang comeback solo single na “Crazy” ng SB19 member na si Stell Ajero sa top music platforms, agad naman itong nag-number one sa Trending in PH.
Bandang alas-8 nang gabi inilabas naman ang video ng naturang single.
Ilang oras na ang nakalipas hindi pa rin natitinag sa top spot.
Samantala, dinala ni Stell ang mga tagahanga sa isang mapusok na paglalakbay ng pag-ibig at pananabik sa music video ng “Crazy.”
Nagsisimula ang music video na kaswal na gumagala si Stell sa mga kalye habang humihigop ng kape. Ngunit mabilis na naging parang panaginip ang mga bagay-bagay nang magsimulang umikot ang kanyang paligid, na kalaunan ay napadpad siya sa iconic na Times Square ng New York City.
Nagpapatuloy ang kanyang paglalakbay sa subway ng New York habang naglalakbay siya sa lungsod habang tila nilulunok ng kanyang nararamdaman para sa isang tao.
Alam naman ng lahat na ang limang miyembro ng SB19 ay may solo career bukod sa kanilang sa pagiging grupo.
Nauna nang naglabas ng kanta ngayong 2026 si Felip (Ken) ang “Sulfur,” na sinundan ni Justin ang “Dahon.” Si Pablo ang pinakahuling nag-release ng single sa “Usad.”
2024 naman nang inilabas ni Stell ang kanyang “Room” EP. Kabilang sa mga track nito ay ang “‘Di Ko Masabi,” na sinulat at kinompos para sa kanya ni Ryan Cayabyab.
Congrats Stell!