• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Matapos ibasura ang kasong isinampa tungkol sa pambu-bully:ALFRED at YASMINE, tuloy at ‘di pa tapos ang laban para mabigyan ng hustisya ang anak (ni: ROHN ROMULO) 

TULOY lang ang laban nina Quezon City Councilor Alfred Vargas at Yasmine Espiritu laban sa aktor na si Rob Sy at sa misis nito.

Ibinasura nga ng Manila City Prosecutor’s Office ang Child Abuse Complaint na isinampa nina Alfred at Yasmine laban mag-asawa dahil daw sa pambu-bully sa kanilang anak.

Matatandaan na noong April 13 ay nagsampa ng kaso sina Alfred at Yasmine sa umano’y violation of Section 10(a) of Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon sa resolusyong inilabas ng piskalya, walang sapat na ebidensyang naipakita ang kampo ni Vargas na may pananagutan si Sy at asawa sa inirereklamong insidente sa pagitan ng mga bata.

Dahil sa bagong kaganapan, naglabas ng official statement si Alfred kung saan ipinagdiinan niyang itutuloy nila ang laban sa lahat ng legal na paraan.

“We have been informed about the decision of the prosecutor,” panimula ng Facebook post ni Konsehal Alfred. 

“While we have yet to receive the official decision, we say with certainty that we respect the law and due process and we will continue to do so regardless of the outcome.”

Dagdag pa niya, “in the same light, due process allows us to seek legal remedies. We will exert all available legal avenues to pursue justice for our child. 

“Hindi pa po dito nagtatapos ang laban. Thank you for all your prayers.”

Nauna rito, nag-isyu rin ng pahayag ang kampo ni Rob Sy sa pagkakadismis ng kaso laban sa kanila.

“Sa sampung (10) pahinang resolusyon, nakita ng Manila City Prosecutor’s Office na walang sapat na ebidensya o prima facie case para kami ay makasuhan ng criminal, lalo na para magpakita ng anumang reasonable certainty of conviction sa korte. 

“Hindi po bully ang aming anak at sinisiguro po namin na siya ay aming pinapalaki nang maayos, at kung nagkakamali ay aming itinatama at dinidisiplina. 

“Gaya ng maayos na pagpapalaki sa amin ng aming mga magulang, hangad din namin na mapalaki nang tama ang aming anak,” pahayag niya.

***

‘Love, NGO’ pinayagan nang ipalabas ng MTRCB matapos ang masusing review

Matapos dumaan sa mahigpit na review process at serye ng konsultasyon kasama ang National Council on Disability Affairs (NCDA), pinayagan na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas ng lokal na pelikulang Love, NGO na may R-16 classification.

Ang pelikula ay sumailalim sa pagsusuri ng isang Komite na binubuo ng mga abogado at Board Members na sina Cesar S. Pareja, Maria Gabriela R. Concepcion, at Mynoa R. Sto. Domingo.

Ang pelikula na produksyon ng Viva Communications, Inc. ay sumailalim sa masusing pagsusuri matapos magpahayag ng concern ang NCDA hinggil sa paraan ng pagpapakita nito sa mga persons with disabilities o PWDs.

Nakipagpulong din nitong Huwebes ang MTRCB sa pangunguna ni Chairperson at CEO Lala Sotto sa mga opisyal ng NCDA na pinamumunuan ni Executive Director Glenda Relova kasama ang mga producer ng pelikula upang linawin ang mga isyung ibinabato sa materyal.

Ayon sa Board, nakatuon ang naging pag-uusap sa pagtiyak ng sensitibo at responsableng pagtalakay sa mga PWD habang sinusuri rin ang kabuuang konteksto ng pelikula.

Bagama’t napansin ng MTRCB na may ilang eksena sa pelikula na maaaring maituring na diskriminasyon sa mga taong may speech impediment, at may madalas na paggamit ng maaanghang na mura at sexually suggestive na mga salita, sinabi ng Board na nakita pa rin nito ang “redeeming value” ng pelikula kapag tiningnan sa kabuuan.

Ayon sa MTRCB, nagbibigay umano ang pelikula ng ibang perspektibo sa paglalakbay at karanasan ng pangunahing karakter na isang PWD.

“The MTRCB appreciates the NCDA’s ongoing efforts to promote inclusive and respectful media portrayals,” ani Sotto.

Tiniyak din ng opisyal na katuwang ng MTRCB ang NCDA sa pagprotekta sa dignidad at maayos na representasyon ng sektor ng mga may kapansanan.

Muling binigyang-diin ni Sotto ang kampanya ng ahensya na “Responsableng Panonood” o Responsible Viewing, na layuning tulungan ang mga pamilyang Pilipino na makagawa ng tamang desisyon sa panonood habang sinusuportahan ang paglago ng industriya ng pelikula.

“Kami sa MTRCB, patuloy naming isinusulong ang Responsableng Panonood o Responsible Viewing. Layunin nitong tulungan ang mga pamilyang Pilipino na makagawa ng wastong pagpili habang sinusuportahan ang matatag at lumalagong industriya ng pelikula,” dagdag ni Sotto.

“Naniniwala kami na ang pagprotekta sa viewers ay responsibilidad ng lahat. Hindi ito nagsisimula at nagtatapos sa MTRCB lamang. Kabilang dito ang exhibitors, distributors, producers, at lahat ng bahagi ng cinema ecosystem,” saad pa niya.