Mas malamig na panahon, asahan – Pagasa
- Published on December 10, 2025
- by @peoplesbalita
PINAYUHAN ng PAGASA ang publiko na magsuot ng mga pangginaw tulad ng jacket dahil asahan na ang mas malamig na panahon sa mga susunod na araw hanggang sa pagsapit ng bagong taon.
Ayon kay Ana Solis, hepe ng Climate Monitoring and Prediction Section ng PAGASA, inaasahang bababa nang hanggang sa 7.9°C ang lagay ng panahon dahil sa Amihan.
“Around between 11.4°C to 14.3°C po yung lowest temperature na forecasted ng PAGASA ngayong December. And then between 7.9°C to 11.8 °C ‘yan po ‘yung mga possible na mga lowest temperature na pino-forecast ng PAGASA mula January up to February 2026,” ayon kay Solis. Makaraang pumasok ang amihan nitong Oktubre, naramdaman ang tuyo at malamig na panahon nitong ikatlong linggo ng Nobyembre sa buong bansa.
Nakapagtala rin ang PAGASA nang pinaka mababang temperature na 13.6°C sa Baguio City, 18.2°C sa Casiguran, Aurora at 19.5°C sa Tanay, Rizal.
Ayon kay Solis, mas titindi ang lamig ng panahon sa Enero hanggang Pebrero ng 2026.
Pinag-iingat naman ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa mga bulubunduking lugar lalo na sa Cordillera Autonomous Region dahil sa formation ng frost na maaaring makaapekto sa kanilang pananim.