MANILA LGU, LEGAL ANG UPDATED GARBAGE FEES
- Published on January 8, 2026
- by @peoplesbalita
IGINIIT ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na legal at naaayon sa Konstitusyon ang Ordinance No. 9151 na nagtatakda ng updated garbage collection fees para sa mga negosyo sa lungsod.
Ayon kay City Legal Officer Atty. Luch Gempis Jr., hindi dapat ikumpara ang ordinansa sa Quezon City case na tinalakay ng Korte Suprema dahil magkaiba ang saklaw at layunin.
Sa QC, household at condominium ang siningil at inilaan ang kikitain para sa socialized housing, samantalang limitado sa business establishments ang revised garbage fees ng Maynila at itinuturing na regulatory fee, hindi buwis.
Sinabi rin ni Gempis na huling na-update noong 2013 ang garbage fees sa kabila ng pagtaas ng volume ng basura at mas mataas na hauling at disposal costs, lalo na nang i-redirect ng MMDA ang pagtatapon sa San Mateo Landfill sa Rizal.
Ayon naman kay City Treasurer Atty. Paul Vega, layunin ng ordinansa na bawasan ang agwat ng nakokolekta ng lungsod at aktwal na gastos sa waste collection.
Tiniyak ng Bureau of Permits na system-generated ang assessments at bukas ang mga tanggapan para sa paglilinaw mula sa mga negosyo. (Gene Adsuara)