Mandatory dashcam sa motorista, itinulak
- Published on December 29, 2025
- by @peoplesbalita
UMAPELA ang Automobile Association of the Philippines (AAP) sa pamahalaan na gawin ng requirement sa mga motorista ang paglalagay ng dash-mounted cameras sa kanilang mga behikulo.
Ito’y upang maging mas madali umano ang pagrepaso ng mga awtoridad sa footage sakaling magkaroon ng insidente ng road rage.
Ayon kay AAP president Augustus Ferreria, sa ibang bansa ay mandatory na ang dashcam.
Dahil dito, kapag may sigalot sa kalsada ay nirerepaso na lamang ito sa dashcam.
“Sa ibang bansa, mandatory sa kanila na may dashcam. Kapag may sigalot sa kalsada, ire-review lang ang dashcam. Kitang kita mo yung may kasalanan,” ani Ferreria, sa panayam sa radyo (dzBB).
Dagdag pa niya, “‘Yan ay isa sa mga paraan, na kahit hindi gumastos ang gobyerno, i-require lang nila sa mga nagmamaneho na mayroon silang dashcam.”
Kumpiyansa si Ferreira, na makakatulong ang dashcam upang mapigilan ang mga driver sa paglabag sa batas trapiko.
Samantala, bukod sa dashcam, iminungkahi rin ni Ferreira na isama na ang ‘psychological framework’ ng isang tao sa curriculum ng driving schools.