• June 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabueños, nakinabang sa Walang Tulugan Serbisyo Caravan 

MULING pinagtibay ni Mayor Jeannie Sandoval ang pangako ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na ilapit ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan at panlipunan sa bawat Malabueño sa pamamagitan ng Walang Tulugan Serbisyo Caravan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-427th Founding Anniversary ng lungsod.

Ayon kay Mayor Jeannie, ang aktibidad ay hindi lamang bahagi ng pagdiriwang ng mayamang kasaysayan at kultura ng Malabon, kundi isang pagkakataon din na palakasin ang mga programa at serbisyo na direktang nakikinabang sa mga residente.

Dagdag niya, ang inisyatiba ay nakahanay sa Pag-Ahon agenda ng pamahalaang lungsod, partikular na ang Agenda 8 (Libreng Serbisyong Pangkalusugan) sa ilalim ng kanyang Lucky 9-Point Agenda na nakatutok sa mga programang pangkalusugan, ekonomiya, at kapakanang panlipunan para sa mga tao.

“Ang tunay na diwa ng pagdiriwang ng ating Anibersaryo ng Pagkakatatag ay ang pagsiguro na bawat Malabueño at bawat tahanan ay patuloy na uunlad at mapapanatili ang mabuting kalusugan. Layunin ng pamahalaan na mas mailapit pa ang serbisyo sa ating mga kababayan. Patuloy nating titiyakin na ang bawat Malabueño ay may access sa serbisyong pangkalusugan at tulong panlipunan na kanilang kailangan,” ani Mayor Jeannie.

Bilang bahagi ng caravan, ang mga residente ay binigyan ng libreng access sa iba’t ibang serbisyong pangkalusugan at panlipunan kabilang ang mga medikal at dental na konsultasyon.

Nag-alok din ito ng Yakap registration, Help Desk para sa birth certificate concerns, libreng legal consultation, mga serbisyo mula sa PSTMO at Malabon Mobile Services.

Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mga programang nagtataguyod ng healthcare accessibility, social protection at pagpapabuti ng kalidad ng buhay lalo na mga senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at mga pamilyang nangangailangan.

Nagpasalamat naman ang mga residente sa pamahalaang lungsod sa patuloy na pagdadala ng mga serbisyo sa mga komunidad at pagtiyak na ang tulong ay mananatiling naaabot sa lahat ng sektor.

Sinabi rin ni City Administrator Dr. Alexander Rosete na ang kahalagahan ng pagkakaisa at people-centered governance sa pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod. (Richard Mesa)