‘Major upgrade’ ng PhilHealth maternity benefits, sisipa na
- Published on April 30, 2026
- by @peoplesbalita
INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules ang pagpapalawig sa maternity benefits na ipagkakaloob Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) simula ngayong araw, Abril 30, 2026.
Layon nito na pagaanin ang pasanin sa pananalapi ng mga expectant mothers.
Sa isang video message, inanunsyo ni Pangulong Marcos na ang coverage para sa normal hospital deliveries ay itataas sa P29,000—halos triple sa nakalipas na P9,750—habang ang benepisyo naman para sa cesarean sections ay itataas sa pagitan ng P58,000 at P62,000 mula P37,000.
“Sa maraming pagkakataon, kung sa ward manganganak kahit sa private hospital, maaaring wala nang babayaran paglabas,” ayon sa Pangulo.
Winika pa ng Pangulo na ang prenatal care coverage ay pinalawak mula apat hanggang walong checkups, ngayon ay kabilang na ang bakuna at laboratory tests.
Covered naman sa postnatal care ang tatlong follow-up visits.
“Simple lamang ang ating layunin, nais nating matiyak na ang bawat ina ay makakapanganak ng ligtas at hindi nag-aalala kung saan kukuha ng pambayad,” aniya pa rin.
“Nais natin na walang buhay ang malalagay sa panganib dahil lamang sa kakulangan ng pera,” dagdag na wika nito. (Daris Jose)