Magtatag at magtalaga ng “garbage police” paghihikayat ng mambabatas sa mga LGUs
- Published on August 14, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINIKAYAT ng isang mambabatas ang mga local government units (LGUs) sa 16 lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila na magtatag at magtalaga ng “garbage police” na siyang mahigpit na magpapatupad ng mga anti-littering at waste disposal regulations at hulihin ang mga lalabag sa loob ng kani-kanilang hurisdiksyon.
Sinabi ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos na ang pagbuo ng dedicated garbage enforcement teams ay magpapalakas sa implementasyon ng mga kasalukuyang anti-littering laws at magsisiguro na yaong mga walang habas na nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar ay mapapanagot.
“We need garbage police who will be visible on our streets and in our communities. They should have the authority, under existing laws and ordinances, to apprehend violators and bring them before the proper authorities. We cannot solve the garbage crisis if our anti-littering laws exist only on paper,” ani Santos.
Ipinanukala pa nito na ang “Garbage Police” ay hiwalay na enforcement unit mula sa mga barangay tanod, kung saan ang tauhan nito ay sasanayin at itatalaga na mag-monitor at magpatupad ng anti-littering at solid waste management regulations.
Isinusulong din ni Santos na mabigyan ang mga miyembro ng garbage police ng regular monthly compensation mula sa kaukulangang LGU funds, base sa ilalim ng kasalukuyang budgeting, accounting at auditing rules.
“The garbage police should not be an additional burden on our barangay tanods. They should be a dedicated team whose primary responsibility is to enforce our anti-littering and waste disposal rules,” pahayag nito.
Kailangang mabigyan ng sapat na kakayahan o training ang mga ito para magsagawa ng enforcement operations sa kalsada, sidewalks, waterways, markets, transport terminals at iba pang kahalintulad ng littering hotspots.
Magkakaroon din nang mahigpit na koordinasyon ang garbage police, barangay, local environment offices, Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang masiguro na ang mahuhuling lalabag o magkakalat ay dokumentado at sumaillaim sa tamang proseso ayon sa isinasaad sa batas.
Sa ilalim ng kasalukuyang MMDA Regulation No. 96-009, as amended, ang pagkakalat o pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar ay ipinagbabawal sa buong Metro Manila.
“Hindi puwedeng puro paalala at clean-up drive lamang. Kailangang may mananagot sa bawat paglabag. Kung may mga batas at ordinansa tayo laban sa littering, dapat may mga taong may sapat na mandato para ipatupad ang mga ito. Ang layunin natin ay hindi lamang manghuli at magmulta. Ang gusto natin ay magkaroon ng disiplina at tuluyang mabago ang kultura ng pagtatapon ng basura. Pero para mangyari iyon, kailangang maramdaman ng publiko na seryoso ang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas,” ani Santos.
(VINA de GUZMAN)