Magkakaroon ng docu-film and series ang ‘I’mPerfect’…SYLVIA, sobrang saya na nominado sina KRYSTEL at EARL sa Gawad Urian (ni: ROMMEL GONZALES)
- Published on September 7, 2026
- by Francis Paolo Torres
UMAARIBA ang “ImPerfect” dahil isa ito sa walong pelikula na pinagpipilian para maging official entry ng Pilipinas sa prestigious na Academy Awards o Oscars.
Bukod dito, ang dalawang lead stars ng pelikula ay nominado sa nalalapit 49th Gawad Urian; sina Krystel Go bilang Best Actress nominee at si Earl Amaba na nominado naman bilang Best Actor.
Hiningan namin ng reaksyon si Sylvia Sanchez ng Nathan Studios kung ano ang reaksyon niya sa pagkaka-nominate ng mga anak-anakan niyang sina Krystel at Earl sa Urian na gaganapin ngayong October.
“Siyempre masaya ako,” bulalas ni Sylvia.
“Iyon yung goal ko, na mapansin talaga yung mga bata, ma-nominate, huwag na ako, huwag na kami, iyong mga bata.”
Ang “kami” na tinutukoy ni Sylvia ay ang mga beteranang aktres na mga kaibigan ni Sylvia na sina Lorna Tolentino at Janice de Belen na nasa cast rin ng “ImPerfect.”
Ano ang reaksyon ni Krystel nang nalaman nitong nominado siya sa URIAN?
“Sabi ko sa kanya, ‘Krystel nominated ka for Urian!’
“Sabi niya, ‘Ha?! Ang ganda ng birthday ko!’ “Sobrang hapy siya.
“Si Earl yung nanay niya ang sinabihan ko.”
The fact na kapwa napansin ng Urian sina Krystel at Earl ay labis na ikinagalak ni Sylvia.
“Doon ako masaya! Ang saya ko.
“So… ang saya-saya ko, doon ako focused, na masaya ako para doon sa mga bata.
“Pati ang mga nanay nila, masaya! Kasi nagkakatulungan kami para sa mga bata kaya pare-pareho kaming mga nanay na masaya,” sinabi pa ng mahusay na aktres.
Bukod dito ay isasali naman ang documentary film ng “I’mPerfect” na ang direktor naman ay si Ditsi Carolino.
“Kaya ang ‘ImPerfect’ na docu, from abroad to Philippines, ito’ng ImPerfect na pelikula from the Philippines to abroad.
“Less than two hours ang docu at ang director ay si Ditsi Carolino.
“Ang puso ng pelikula yung documentary.
“Ang puso kasi dito, story ha, ito makikita kung paano naghirap, kung paano ginawa, kung paano lumabas na yung mga batang may Down syndrome, nakagawa ng pelikula.
“So dun niyo sila hahangaan, mas lalong hahangaan,” saad pa ni Sylvia.
“This year sa abroad ipapalabas ang docu, next year dito sa Pilipinas ang docu, next year may series na rin ng mga bata.”
Si Sigrid Andrea Bernardo na direktor ng “I’mPerfect” na pelikula ang direktor rin ng serye.
“Imperfect cast pero iba ito, hindi connected sa dati. Ang ganda ng title, ayoko pang ilabas,” patikim na sinabi ni Sylvia tungkol sa kanilang upcoming 2027 series na either mainstream TV o online streaming.
Ipapalabas rin sa Prague ang “I’mPerfect.”
At sa patuloy na pag-ariba ng Nathan Studios, tatlong pelikula na co-prod sila ang in competition sa Busan International Film Festival ngayong Oktubre; ang “Filipiñana”, “Nagi Notes” at “Ria.”