LTO, NAGLABAS NG SCO VS KONSEHAL NG CALAMBA, LAGUNA DAHIL SA IBA’T IBANG PAGLABAG SA BATAS TRAPIKO
- Published on July 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
AGAD na inaksyunan ng LTO ang panibagong viral na insidente ng iresponsableng pagmamaneho matapos padalhan ng Show Cause Order (SCO) ang isang konsehal na sangkot sa insidente sa Calamba City, Laguna.
Batay sa imbestigasyong isinagawa ng Intelligence and Investigation Division (IID) at sa video na nakalap bilang ebidensya mula sa Facebook page na “VISOR,” naobserbahan ang sasakyan ng isang konsehal na nag-counterflow, paulit-ulit na nagpapalit ng linya, at gumagamit ng sirena habang bumibiyahe sa isang pampublikong kalsada.
Natuklasan din na naglabas na ng sariling pahayag kaugnay ng insidente ang sangkot na konsehal. Gayunman, sa kabila ng inilabas na pahayag, inaatasan pa rin siyang personal na humarap sa pagdinig kasama ang motorsiklong nag-escort sa naturang sasakyan. Ang pagdinig ay itinakdang gaganapin sa Hulyo 17, 2026, alinsunod sa inilabas na SCO, upang magsumite ng sinumpaang paliwanag kung bakit hindi ito dapat managot sa mga kasong Reckless Driving, Operating with Unauthorized Parts and Accessories, at kung bakit hindi dapat ideklara bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle na maaaring magresulta sa pagsuspinde o pagbawi sa lisensya ng drayber.
Kasabay nito, iniutos din ng LTO ang agarang pagsuko ng driver’s license ng sangkot na driver, na isinailalim sa 90-araw na preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon. Inilagay rin sa alarm ang naturang sasakyan ng konsehal upang matiyak ang pagpapatupad ng mga kautusan ng ahensya.
“Sa LTO, hindi namin pinalalampas ang anumang paglabag na may malinaw na ebidensya. Malinaw ang aming paninindigan na walang sinuman ang nakahihigit sa batas-trapiko. Anuman ang katungkulan o posisyon sa pamahalaan, ang bawat motorista ay may pananagutang sumunod sa mga umiiral na batas at regulasyon sa kalsada,” saad ni Assistant Secretary Lacanilao.
Muling pinaalalahanan din ni Assistant Secretary Lacanilao ang lahat ng motorista na maging maingat, responsable, at magpakita ng disiplina sa bawat pagmamaneho. Ang lahat ng motorista ay dapat piliing maging bahagi ng solusyon sa halip na maging sanhi ng panganib sa kalsada. Ang disiplina, paggalang sa batas, at malasakit sa kapwa ang susi upang maging mas ligtas ang ating mga lansangan para sa lahat. (PAUL JOHN REYES)