LTO, NAGLABAS NG PINAL NA RESOLUSYON LABAN SA DRIVER NG MMDA-MARKED SUV: REVOCATION NG LICENSE, IPINATAW
- Published on September 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
TULUYANG ipinataw ng Land Transportation Office (LTO) ang revocation ng driver’s license ng drayber ng isang SUV na ginamit bilang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Patrol Vehicle, matapos mapatunayang sangkot sa mga paglabag kaugnay ng paggamit ng plakang nakatalaga sa ibang sasakyan, pagdaan sa EDSA Busway, at pagkakabit ng mga hindi awtorisadong kagamitan at marka.
Nagsimula ang kaso sa isang insidenteng nakuhanan ng video kung saan makikitang minamaneho ng naturang drayber ang isang SUV na may mga marka at pagkakakilanlan ng MMDA, kabilang ang body number, sirena at blinker. Gayunman, sa isinagawang beripikasyon ng LTO, natukoy na ang plaka ng sasakyan ay hindi tugma sa rekord nito at ang naturang sasakyan ay nakarehistro bilang pribadong sasakyan.
Bilang tugon, nag-isyu ang LTO ng Show Cause Order (SCO) noong 28 Agosto 2026 laban sa drayber. Sa Order na inilabas noong 04 Setyembre 2026, ipinataw ang isang taong suspensyon sa kanyang driver’s license matapos siyang ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lumitaw na ang naturang drayber ay sangkot din sa isa pang insidente na kinasangkutan ng kaparehong sasakyan. Kaugnay nito, nag-isyu ang LTO ng panibagong SCO noong 29 Agosto 2026 laban sa rehistradong may-ari ng naturang sasakyan. Batay sa mga nakalap at nasuring ebidensiya, nakumpirma ng LTO na ang parehong drayber na sangkot sa unang insidente ang nagpapatakbo rin ng sasakyan nang mangyari ang ikalawang insidente.
Sa pagsusuri sa dalawang insidente, nakita ng LTO ang paulit-ulit na paglabag at maling representasyon na may kaugnayan sa paggamit ng sasakyan at mga pagkakakilanlan na hindi awtorisado para rito. Dahil dito, idineklara ng LTO ang drayber bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle at tuluyang ipinataw ang revocation ng kanyang driver’s license.
Samantala, nananatiling naka-impound sa LTO Central Office ang naturang MMDA-marked SUV. Ipinag-utos din ng LTO ang pagtanggal sa mga marka at pagkakakilanlan ng MMDA, gayundin sa mga hindi awtorisadong sirena at blinker na nakakabit dito.
“Maski pa anong ranggo, posisyon, o katungkulan ang mayroon ka, kung ikaw ay may nilabag sa batas-trapiko, hindi ko po palalampasin ‘yan. Tayo sa gobyerno, malinaw sa atin ang batas, sumunod po tayo, gawin po natin ang tama at maging responsable sa kalsada,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
(PAUL JOHN REYES)