• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, nag-deploy ng mga tauhan upang tumulong sa mga motorista na apektado ng masamang panahon

AGAD na nagpadala ang Land Transportation Office (LTO) ng sapat na bilang ng mga tauhan upang tumulong sa mga motorista sa gitna ng malawakang pagbaha at iba pang mga isyung may kaugnayan sa kaligtasan sa kalsada dulot ng masamang panahon.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyaking nararamdaman ang presensya ng pambansang pamahalaan at maihatid ang pinakamataas na tulong sa mga mamamayang apektado ng matinding pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua Jr., kabilang sa mga lugar na pinadalhan ng LTO personnel ay ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), at Gitnang Luzon.

Dagdag pa ni Pua, inatasan na rin ang lahat ng regional directors na tiyakin ang presensya ng LTO para sa road assistance, lalo na sa mga lugar na apektado ng bagyong “Crising” at iba pang sama ng panahon mula pa noong nakaraang linggo.

“Patuloy ang ating mga tauhan sa pagpapatrolya sa mga pangunahing kalsada at alternatibong ruta upang alamin kung maaari pa itong daanan. Binabantayan din natin ang sitwasyon ng pampublikong transportasyon at ng mga stranded na pasahero,” ani Pua.

“Patuloy nating mino-monitor ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan tayo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa anumang tulong na maaaring ibigay ng LTO,” dagdag pa niya.

Samantala, inatasan din ni Pua ang lahat ng regional directors na agad magsagawa ng assessment sa bilang ng mga tauhan ng ahensya na naapektuhan ng masamang panahon.

Bahagi rin ng kautusan ang pagtukoy sa lawak ng pinsala sa mga tahanan at ari-arian ng mga empleyado ng LTO, gayundin sa mga tanggapan at kagamitan ng ahensya.

Ayon kay Pua, kailangang agarang makabuo ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng mga pinsala sa mga tanggapan ng LTO, dahil aniya, hindi dapat matigil ang pagbibigay ng serbisyo ng ahensya sa publiko.

Patuloy ang pagbuhos ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa na nagdudulot ng matinding pagbaha.

Libo-libong pamilya ang naapektuhan ng kalamidad, kabilang na ang mahigit 39,000 pamilya na napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. (PAUL JOHN REYES)