• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 5:04 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO INILAGAY SA ALARM STATUS ANG 19 RIDERS NA SANGKOT SA DRAG RACING

INILAGAY ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, sa alarm status ang 19 motorsiklo na sangkot sa ilegal na karera sa isang bypass road sa San Rafael, Bulacan.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ipinatawag ang lahat ng rehistradong may-ari ng mga naturang motorsiklo sa pamamagitan ng magkakahiwalay na show cause order na inilabas ng ahensya sa pamamagitan ng Intelligence and Investigation Division.
Nakumpiska ang 19 motorsiklo at batay sa ulat ng pulisya, ang mga indibidwal na sangkot ay nagsasagawa ng ilegal na motorcycle exhibition nang walang suot na helmet, walang dalang lisensya, at gumagamit ng motorsiklo na walang nakalagay na plaka.
Lalong ikinagalit ni Asec. Mendoza ang ulat na kabilang sa ilegal na karera ang hindi bababa sa 12 menor de edad, kabilang na ang mga batang pitong taong gulang.
Batay sa ulat ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG), umabot sa 12 katao ang inaresto habang 12 menor de edad, na nasa edad pito hanggang 16, ang na-turn over matapos ang operasyon sa Mabalas-Balas–Galas–Maasim Bypass Road noong Agosto 17.
Batay pa sa ulat ng pulisya, isa sa mga tumatakas na motorista ay nakabangga ng isang menor de edad habang sinusubukang makalayo sa operasyon ng lokal na pulisya at ng HPG.
Sa inilabas na SCO na pirmado ni LTO-IID Chief Renante Melitante, inaatasan ang mga may-ari na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa mga paglabag tulad ng Duty to Have License, Reckless Driving, Failure to Wear Protective Helmet, Driving a Motor Vehicle without a License Plate, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Inaatasan ang mga rehistradong may-ari na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa Agosto 27.
“Ang hindi pagdalo at hindi pagsusumite ng nakasulat na paliwanag ay ituturing ng Tanggapan bilang pagtalikod sa inyong karapatan na marinig, at ang kaso ay dedesisyunan batay sa ebidensyang hawak ng ahensya,” nakasaad sa SCO. (PAUL JOHN REYES)