• September 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB PINAHINTULUTAN NA ANG MGA PUVs NA MAKABIYAHE KAPAG POSTED ONLINE NA ANG PROVISIONAL AUTHORITY

PINAHINTULUTAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang mga drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs) na makapag-operate sa sandaling maipost ang kopya ng kanilang Provisional Authority (PA) sa online verifier ng ahensya.

Karaniwan, ang mga PUV ay maaari lamang makabiyahe kapag nakuha na ang hard copy ng PA. Ngunit sa LTFRB Board Resolution 388 series of 2025, pinaikli ang paghihintay dahil maaari nang makabiyahe ang mga PUV sa oras na ma-upload ang PA sa online verifier system.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang na ito ay bahagi ng mahigpit na pagsunod ng ahensya sa Republic Act No. 11032, o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Itinataguyod ng batas ang pagsasaayos ng mga proseso, kabilang ang paggamit ng pinasimpleng requirements at pamamaraan upang mabawasan ang red tape at mapabilis ang mga transaksyon sa pamahalaan, pangnegosyo man o hindi.

“Kailangan munang ma-upload ang Provisional Authority sa verifier system para sa proteksyon ng mga drayber at operator dahil sa oras na sila ay sitahin, madaling ma-verify ng mga enforcer na lehitimo ang kanilang papeles para makabiyahe,” ani Chairperson Mendoza.

Dagdag pa niya, mahalaga ang online verification lalo na sa pagdami ng mga pekeng PA at Certificates of Public Conveyance (CPC). Sa pamamagitan ng online validation, mas magiging epektibo ang mga law enforcement agencies sa pagpapatupad ng crackdown laban sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC.

Ang desisyon ay bunga rin ng pangako ni Chairperson Mendoza na pabilisin ang pagresolba sa mahigit 37,000 backlog ng mga petisyon, mosyon, at aplikasyon na kanyang natuklasan nang siya ay maupo bilang pinuno ng LTFRB noong Oktubre ngayong taon.

Bukod sa pagtugon sa backlog, sinabi ni Mendoza na makikinabang din ang mga commuter sa naturang hakbang.

“Sa desisyong ito, mas marami tayong PUVs na maipapadala sa kalsada para sa kapakinabangan ng mga commuter, at ito ay napapanahon dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Holiday season,” ani Chairperson Mendoza.

Saklaw ng Board Resolution ang malaking bilang ng mga PUV gaya ng jeepneys, buses, at Transport Network Vehicle Services (TNVS).
(PAUL JOHN REYES)