• June 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, NAGSASAGAWA NG IMBESTIGASYON KAUGNAY SA FATAL CAMARINES SUR ROAD CRASH, BUS COMPANY IISYUHAN NG SCO

ISINASAGAWA na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa gabay ng Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang masusing imbestigasyon kaugnay ng aksidenteng kinasangkutan ng isang pampasaherong bus sa Camarines Sur na nagresulta sa pagkasawi ng hindi bababa sa limang indibidwal.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, maglalabas ang ahensya ng isang show cause order (SCO) laban sa bus company upang matiyak na maisasama sa imbestigasyon ang lahat ng pangyayaring humantong sa insidente na naganap dakong 3:25 a.m. noong Disyembre 26 sa Barangay Magais-I, Del Gallego, sa bahagi ng Andaya Highway.

“Natanggap na namin ang kopya ng police report at nakasaad doon na nakatulog ang driver, na siyang naging sanhi ng aksidente,” pahayag ni Chairperson Mendoza.

“Sa pagdinig, sisiyasatin pa natin nang mas malalim kung nasunod ba ang tamang protocol upang matiyak ang mental at pisikal na kahandaan ng mga itinalagang driver,” dagdag pa niya.

Batay sa police report, ang DLTB bus (UYA 479) ay patungong Gubat, Sorsogon mula Cubao nang mahulog ito sa bangin na tinatayang may taas na humigit-kumulang 10 metro.

Bunsod nito, lima ang nasawi, kabilang ang isang 60-anyos na babae at isa pang babaeng pasahero.

Hindi bababa sa 15 katao, kabilang ang driver at alternate driver, ang malubhang nasugatan at agad dinala sa isang ospital sa Tagkawayan, Quezon para sa agarang lunas.

Sa inisyal na beripikasyon na iniutos ni Chairperson Mendoza, lumabas na ang bus ay nakarehistro sa Del Motor Works, Inc. at may Certificate of Public Conveyance na ibinigay noong 2022 at nakatakdang mag-expire sa Marso ng susunod na taon.

“Tutuklasin natin ang puno’t dulo ng insidenteng ito at pananagutin ang sinumang dapat managot,” giit ni Chairperson Mendoza.

Matatandaang inatasan na rin ni Chairperson Mendoza ang lahat ng bus company na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan at handa ang kanilang mga driver para sa dagsa ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.

Samantala, makikipag-ugnayan ang LTFRB sa insurance provider upang mapabilis ang pagproseso at paglabas ng kaukulang insurance claims.
(PAUL JOHN REYES)