• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB NAGSAGAWA NG UNANG SERYE NG MGA KONSULTASYON HINGGIL SA PANUKALANG DAGDAG-PASAHE

NAGSAGAWA ng konsultasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangangasiwa ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, hinggil sa panukalang dagdag-pasahe sa mga ride-hailing services.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pulong kasama ang mga kinatawan ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) ay unang hakbang sa serye ng mga konsultasyon upang mapabilis ang pagresolba sa mga nakabinbing petisyon para sa dagdag-pasahe.

“Nais naming marinig ang lahat ng panig sa diwa ng patas na proseso dahil sensitibong usapin ang dagdag-pasahe—hindi lamang para sa mga mananakay kundi para rin sa ating ekonomiya,” ani Chairperson Mendoza.
“Kaya nagsagawa kami ng konsultasyon at hiniling naming magsumite sila ng mga dokumentong kailangan sa pagtalakay ng LTFRB sa petisyon ng TNVS para sa dagdag-pasahe,” dagdag pa niya.

Binanggit ni Chairperson Mendoza na mahalaga ang pagsunod ng TNVS sector sa pagsusumite ng mga dokumento upang maging batayan sa pagdedesisyon kung makatarungan ang panukalang dagdag-pasahe.

“Umaasa kami na sila ay makasusunod dahil kung hindi, magiging komplikado para sa amin dahil kami ay aasa lamang sa sariling datos,” kanyang binigyang-diin.

Matatandaang noong Oktubre 2023 huling nagkaroon ng aprubadong dagdag-pasahe—isang P1 provisional increase—bilang kompromiso sa gitna ng epekto ng pandemya sa ekonomiya. Mula noon, ilang petisyon para sa dagdag-pasahe ang inihain, kabilang ang tatlong pangunahing transport groups noong Oktubre 2024.

Dagdag pa ni Chairperson Mendoza, hiwa-hiwalay na pampublikong konsultasyon ang gagawin upang matiyak ang maayos at organisadong talakayan. Sa pulong kasama ang TNVS nitong Martes, ilang kinatawan ang naglahad ng mga hinaing at kahilingan, partikular sa usapin ng komisyon at mahabang oras ng trabaho ng mga driver.

Bagama’t may ilang usapin na lampas sa mandato ng LTFRB, tiniyak ni Chairperson Mendoza na ang lahat ng ito ay isasama sa dayalogo kasama ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Labor and Employment at Office of the Solicitor General.

Ang susunod na pampublikong konsultasyon ay isasagawa kasama ang mga stakeholder mula sa bus, taxi, at jeepney sector.

“Lubos naming nauunawaan ang mga hinaing ng sektor ng transportasyon—kaya minamadali namin ang pagdinig upang makapaglabas ng desisyon sa lalong madaling panahon,” ani Chairperson Mendoza.
“Kung magkakaroon ng dagdag-pasahe, sisiguraduhin naming may balanse sa kakayahan ng mga mananakay na magbayad at sa pangangailangan ng sektor ng pampublikong transportasyon,” kanyang pagtitiyak. (PAUL JOHN REYES)