LTFRB, NAGPAALALA SA MGA TRANSPORT FIRMS NA SUNDIN ANG MGA GUIDELINES PARA SA KAPAKANAN NG MGA PASAHERO
- Published on October 27, 2025
- by @peoplesbalita
MULING pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, ang mga kumpanya ng transportasyon na mahigpit na sundin ang umiiral na panuntunan ukol sa kalinisan at kaginhawahan ng mga bus station at transport terminal para sa kapakanan ng mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan na niya ang lahat ng Regional Director na tiyaking maipatupad ang nasabing panuntunan sa kani-kanilang nasasakupan, lalo na’t inaasahan ang dagsa ng milyun-milyong pasahero sa paggunita ng Undas sa Nobyembre 1 at 2.
“May umiiral na tayong panuntunan. Ang kailangan ay tiyaking ito ay mahigpit na ipinatutupad at sinusunod ng mga transport terminal sa lahat ng oras upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga pasahero,” ani Chairman Mendoza.
Babala ni Chairman Mendoza, “Ang anumang paglabag sa panuntunang ito ay ituturing na paglabag sa prangkisa.” Ang parusa sa bawat paglabag sa Circular ay maaaring umabot sa ₱5,000 kada araw at kada paglabag.
Patuloy ang isinasagawang nationwide inspection ni Chairman Mendoza sa mga bus station at transport terminal bilang bahagi ng kanyang direktiba sa mga Regional Director ng LTFRB na paigtingin ang inspeksyon.
“Tatalakayin namin sa operator ng terminal ang kalinisan ng mga portalet, bentilasyon ng hangin, at kung paano maaalis ang bayad sa paggamit ng palikuran,” aniya.
Aniya, dapat agad tugunan ng mga tagapamahala ng istasyon at terminal ang mga karaniwang reklamo ng mga pasahero ukol sa marurumi at sira-sirang pasilidad, partikular na ang mga waiting area at comfort room.
Bukod sa mga pasilidad, tiniyak din ni Chairman Mendoza na ligtas ang lahat ng bus at iba pang pampublikong sasakyan mula sa mga unit hanggang sa mga drayber at konduktor upang masiguro ang ligtas at komportableng biyahe ng mga pasahero patungo sa kanilang mga destinasyon. (PAUL JOHN REYES)