• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB NAG-UTOS NA MAGSAGAWA NG STRUCTURAL INTEGRITY INSPECTION SA MGA BUS TERMINAL NA TINAMAAN NG LINDOL SA MINDANAO

INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang mga Regional Franchising and Regulatory Offices (RFROs) sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad para sa pagsasagawa ng structural integrity inspection sa mga pampublikong transport terminal at iba pang transport hubs.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ito ay bukod pa sa mandatoryong inspeksyon sa mga tanggapan ng ahensya sa Davao Region at SOCCSKSARGEN, na kabilang sa mga pinakamatinding tinamaan ng lindol noong Lunes ng umaga.

Sinabi ni Chairman Vigor na inatasan ang mga pinuno ng RFROs sa dalawang rehiyon na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng kanilang mga engineering office, at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang suriin ang lahat ng bus terminal at iba pang istasyon ng pampublikong sasakyan sa mga naturang lugar.

“Nais nating matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at ng ating mga katuwang sa sektor ng pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa structural integrity ng mga bus terminal at iba pang land transportation hubs,” pahayag ni Chairman Vigor.

Matapos ang lindol, agad na inatasan ni Chairman Vigor ang lahat ng RFROs na tiyakin ang kalagayan ng kani-kanilang mga kawani.

“Ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kawani at mga kliyente ang pangunahing konsiderasyon. Dahil dito, agad kong ipinag-utos ang pansamantalang pagsuspinde ng operasyon ng ating mga tanggapan, lalo na sa mga lugar na matinding naapektuhan ng lindol,” aniya sa isang pahayag.

Sinabi rin niya na inatasan ang mga RFROs sa mga apektadong lugar na patuloy na subaybayan ang sitwasyon at bumuo ng contingency plan upang matiyak na hindi maaantala nang matagal ang operasyon ng ahensya.

Inatasan din ang isa sa mga miyembro ng LTFRB na si Engr. Isagani M. Victorio na magtungo sa mga apektadong lugar upang tumulong sa monitoring at assessment.

“Bilang Chairman ng LTFRB, tinitiyak ko sa lahat ng ating mga kawani na maaasahan ninyo ang kinakailangang tulong mula sa ahensya. Kaisa ninyo kami sa pagharap sa hamong ito,” pagtatapos ni Chairman Vigor. (PAUL JOHN REYES)