Kudeta, droga, money laundering sasakupin ng Anti-Wiretapping Act
- Published on July 17, 2025
- by @peoplesbalita
ISINULONG ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Anti-Wiretapping Act upang magkaroon ng dagdag na ngipin ang mga awtoridad laban sa mga krimen tulad ng coup d’etat, robbery in band, highway robbery, droga at money laundering.Ani Lacson, bagama’t epektibo ang wiretapping laban sa mga pambihirang krimen na may banta sa pambansang seguridad, hindi ito sakop ng kasalukuyang batas.
Kung magiging batas, isasama rito ang coup d’etat; conspiracy and proposal to commit coup d’etat; robbery in band; brigandage or highway robbery; paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 9160 (Anti-Money Laundering Act of 2001).
Lilimitahan sa limited source bidding o direct contracting ang pagkuha ng gamit para sa wiretapping ng PNP, PDEA, NBI at AFP.
Ang lalabag dito ay makukulong ng anim hanggang 12 taon, at haharap sa multang P1-5 milyon.
Samantala, ang mga gagawa, mag-assemble, bebenta, o mag-import ng wiretapping equipment na labag sa batas ay makukulong ng tatlo hanggang anim na taon, at multang P500,000-P2 milyon. Kung ang lalabag ay taga-gobyerno, habang buhay din siyang hindi na makakabalik sa pamahalaan.