KOREANONG PUGANTE NA SANGKOT SA TELECOM SCAM, INARESTO NG BI
- Published on July 2, 2026
- by Francis Paolo Torres
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang telecommunications fraud o telecom scam na nambiktima ng maraming indibidwal.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante na si Park Junhyeon, 44, , na inaresto ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU) noong gabi ng Hunyo 28 sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng South Korea, Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region (CIDG-NCR), at Department of Justice (DOJ).
Si Park ay saklaw ng Interpol Red Notice na inilabas noong Mayo 7, 2026, kasunod ng warrant of arrest na ipinalabas ng Busan District Court sa South Korea kaugnay ng kasong pandaraya o fraud.
Ayon sa mga awtoridad ng South Korea, pinamunuan umano ni Park, kasama ang kanyang mga kasabwat, ang isang mapanlinlang na no-show” scam kung saan nagpapanggap siyang negosyante na nangangakong babayaran o ire-reimburse ang mga produktong binili ng kanyang mga biktima para sa kanya.
Sa imbestigasyon, lumabas na pitong biktima ang nalinlang sa pamamagitan ng 24 na mapanlinlang na transaksyon, na nagresulta sa pagkalugi ng humigit-kumulang 170 milyong Korean won (KRW).
Batay sa tala ng BI, huling dumating si Park sa Pilipinas noong Disyembre 12, 2025 bilang isang pansamantalang bisita. Gayunman, nag-overstay siya matapos mag-expire ang kanyang pinahihintulutang pananatili noong Hunyo 9, 2026.
Ibinunyag din ng Bureau na ang pasaporte ni Park ay nauna nang napasakamay ng Angeles Field Office matapos magsumite ang kanyang kinatawan ng aplikasyon para sa pagpapalawig ng kanyang pananatili sa bansa. Gayunman, napag-alaman ng mga awtoridad na hindi personal na humarap si Park sa pagproseso ng naturang aplikasyon.
Kinumpirma rin ng BI na si Park ay nauna nang isinama sa kanilang watchlist bilang isang undesirable alien dahil sa kanyang pagiging pugante. (Gene Adsuara)