KOREANONG PUGANTE INARESTO NG BI
- Published on July 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 52-anyos na South Korean national na pinaghahanap ng Interpol dahil sa umano’y pagpapatakbo ng isang malawakang iligal na online gambling syndicate.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante na si Cho Yungeon, alyas Cho Min nabinaresto sa departure area ng NAIA Terminal 1 sa Pasay City ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU), sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng South Korea, Philippine National Police-Interpol Group (PNP-IG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon kay FSU Chief Rendel Ryan Sy, naisagawa ang operasyon batay sa intelligence information na ibinahagi ng mga awtoridad ng South Korea, na humiling ng tulong sa BI upang matunton at madakip ang pugante.
Si Cho ay may umiiral na warrant of arrest na inilabas ng Busan District Court dahil sa umano’y pagpapatakbo ng isang iligal na online gambling website sa Makati City simula pa noong Enero 2024.
Batay sa imbestigasyon, tumatanggap umano ang kanyang sindikato ng mga pustahan sa mga lokal at internasyonal na sporting events, nagpoproseso ng online deposits, nagbabayad ng panalo batay sa betting odds, at nag-aalok din ng mga casino game gaya ng baccarat kaya naglabas ang Interpol ng Red Notice laban sa kanya.
Ayon sa tala ng BI, pumasok si Cho sa Pilipinas noong 2019 gamit ang Cambodian passport sa pangalang Cho Min. Gayunman, sa isinagawang biometric verification, nakumpirma ng mga awtoridad na siya rin ang South Korean fugitive na si Cho Yungeon. (Gene Adsuara)