Kelot na wanted sa 6 na bilang na kasong qualified theft sa Valenzuela, swak sa selda
- Published on October 28, 2025
- by @peoplesbalita
ILANG araw ang nakalipas matapos ilabas ng korte ang kanyang arrest warrant, kaagad nasakote ng pulisya sa manhunt operation ang isang kelot na wanted sa anim na bilang na kasong qualified theft sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, nito lamang October 22, 2025 nang mag-isyu ng warrant of arrest ang Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 269 laban sa 27-anyos na akusado..
Dagdag niya, ang akusado na residente ng Brgy., Lingunan ay kabilang umano sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Valenzuela City Police Station dahil sa kasong Qualified Theft (RPC ART. 310) (6 Counts).
Nang makatanggap ng impormasyon ang kanyang mga tauhan hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena (WSS) ang pagtugis sa kanya.
Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner ng mga tauhan ni Col. Talento sa kanilang lugar kung saan binitbit siya sa bisa ng nasabing warrant of arrest na may inirekomenda namang piyansa na P1,380,000 para sa kanyang pasamantalang paglaya.
Ani Col. Talento, pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela Police habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)