• November 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, kulong sa seksuwal na pang-aabuso sa anak-anakan na dalaginding sa Malabon 

SWAK sa loob ng rehas ang 28-anyos na kelot matapos akusahan ng seksuwal na pang-aabuso sa 11-anyos na anak ng kanyang kinakasama sa Malabon City.

Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, wala umano sa kanilang bahay sa Barangay Catmon ang ina ng biktima nang gapangin at umano’y halayin ng suspek noong Martes ng madaling araw.

Matapos nito, pinagbantaan ng suspek ang biktima na huwag magsusumbong kahit kanina subalit, naglakas loob pa rin ang bata na ipabatid sa kanyang ina ang ginawa ng amain na dahilan para agad humingi ng tulong sa pulisya ang mag-ina.

Kaagad namang nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ni P/Maj. Joseph Alcazar, Commander ng Malabon Police Sub-Station 4, na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek.

Mahaharap sa kasong Rape na may kaugnayan sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)