• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kauna-unahang SOPA: Mega Clinic at Command Center, Ibinida ni Gov. Sol Aragones sa Laguna

SANTA CRUZ, LAGUNA — Inilahad ni Gobernadora Sol Aragones ang mga makabagong proyekto para sa lalawigan—kabilang ang pagpapatayo ng isang 5-palapag na Mega Clinic at ang pagtatatag ng isang Provincial Command Center—sa kanyang kauna-unahang State of the Province Address (SOPA) noong Hulyo 20 na ginanap sa Laguna Sports Complex.

Sa kanyang ulat sa bayan, binigyang-diin ng gobernadora ang malaking pondo at pansin na ibinubuhos ng kanyang administrasyon sa sektor ng kalusugan. Tampok dito ang panukalang Mega Clinic na lalagyan ng mga state-of-the-art na kagamitan at kompletong pasilidad upang magbigay ng mga libreng laboratory test tulad ng X-ray, ECG, CT scan, at MRI.

Bukod dito, magiging libre na rin sa pasilidad ang chemotherapy, dialysis, dental services, at eye check-up na may kasama pang libreng salamin para sa mga pamilyang Lagunense. Kasabay ng mga programang medikal, inihayag din ang pagtatatag ng Provincial Command Center. Sa pamamagitan nito, lalagyan ng mga CCTV camera ang buong lalawigan upang masubaybayan nang mabilis, sentralisado, at tuloy-tuloy ang seguridad, trapiko, at mga sakuna sa Laguna. Kaakibat din nito ang paglulunsad ng sistemang emergency response na tinatawag na “Ambulance on the Go”.

Dinaluhan din ang naturang kaganapan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang distrito, mga punong lungsod, bayan, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nagpakita ng matatag na pagkakaisa.

Dinaluhan ang naturang kaganapan ng mga kinatawan, alkalde, at miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nagpakita ng matatag na suporta sa mga proyekto. Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang pagkakaisang ito ay magsisilbing pundasyon sa mabilis na pagpapatupad ng mga nakalinyang programa para sa seguridad at kalusugan ng buong Laguna.

 (Yvonne Bagang/ Boy Morales Sr.)