• April 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling , pinuri ni Speaker Martin Romualdez

PINURI ni Speaker Martin Romualdez ang pinaigting at walang humpay na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling habang pinasalamatan naman nito ang law enforcement agencies dahil sa dininig ng nila ang kanyang panawagan na i-raid ang mga warehouses na pinaghihinalaang nasa likod ng pagho-hoard ng sibuyas at bawang.

 

 

“Kinausap natin ang ating law enforcement agencies para i-raid ang warehouses na hinihinalang nasa likod ng hoarding ng sibuyas at bawang. Ito ang nagpapahirap sa taong-bayan na dahilan ng inflation at pagtaas sa presyo ng mga bilihin,” ani Romualdez.

 

 

Umaasa ang lider ng kamara na magtutuloy-tuloy ang kampanyang ito laban sa mga mapagsamantala.

 

 

Ang pahayag ni Romualdez ay kasunod na rin sa pagkakadiskubre ng BOC, sa ilalim ng pamunuan ni Commissioner Bienvenido Rubio, ng tinatayang nasa P150 milyong halaga ng imported onions at bawang sa may 24 magkakahiwalay na lokasyon, karamihan ay nasa warehouses sa Manila at Malabon.

 

 

Muling nagbabala si Romualdez sa mga mapagsamantalang businessmen at hoarder na tigilan na ang iligal nilang gawain na nagpapahirap sa ating mga kababayan.

 

 

Ipinanawagan ni Speaker ang pagsasagawa ng crackdown upang protektahan ang kapakanan, hindi lamang ng mga konsyumer kundi maging ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay katiyakan na mapananatili ang sapat na suplay ng local industry ng sibuyas at bawang. (Ara Romero)