• March 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kamara, mahigpit na mino- monitor ang sitwasyon sa Middle East

MAHIGPIT na mino-monitor ng Kamara ang sitwasyon sa Iran at kalapit na mga bansa sa Middle East lalo na sa isyu ng kaligtasan ng mga kabababayang Pilipino partikular na ang mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa naturang rehiyon.

Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, “Ang ating mga OFW ay mahalagang bahagi ng ating bansa at ng ating ekonomiya. Mahalaga na matiyak ang kanilang kaligtasan at maibigay ang kinakailangang suporta sa oras ng pangangailangan.”

Kinilala at pinuri ni Dy ang naging aksyon at pag-utos ni Pangulong Marcos sa mga kaukulang ahensiya na alamin kung nasaan na ang Pilipino sa Middle East at gumawa ng agarang hakbang para masiguro ang kanilang kaligtasan at magpatupad ng mga contingency measures kung sakaling lumalala ang sitwasyon sa nasabing rehiyon.

Nanawagan din ang speaker sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na siguruhin na may contingency plans na nakalaan kapag kinakailangan, nakahandang assistance teams at bukas na komunikasyon para sa agarang aksyon.

Nananawagan pa ito sa mga kababayan sa mga apektadong lugar na manatiling mag-ingat at sumunod sa mga opisyal na abiso ng ating pamahalaan.

“We continue to hope for a peaceful resolution of tensions and firmly reaffirm that the safety and protection of our people will always be our foremost priority,” pagtatapos ni Dy.
(Vina de Guzman)