Kaabang-abang din ang pagpasok sa eksena ni Zeke:RABIN at ANGELA, nagbabalik at muling kababaliwan sa ‘Dating Alys Perez’ (ni: ROHN ROMULO)
- Published on June 2, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGBABALIK sina Rabin Angeles at Angela Muji, ang tambalang kinabaliwan ng netizens.
Panibagong yugto ng buhay nina Drake Palma at Alys Perez ang matutunghayan sa “Dating Alys Perez”, na mapapanood na simula June 12 exclusive sa Viva One.
Mula sa wattpad story na umani ng milyon-milyong views, hanggang sa naging patok at pinag-usapang series adaptation, magpapatuloy ang kuwento ng roller coaster na pag-ibig sa “Seducing Drake Palma” series.
Nagbabalik ang tambalang RabGel upang muling gampanan ang papel ng misteryoso ngunit grabe magmahal na si Drake Palma at ang sweet pero palaban na si Alys Perez.
Samantala, papasok naman sa eksena si Zeke Polina bilang Tripp Pala, na gaganap bilang knight-in-shining armor ni Alys.
Si Zeke ay unang nakilala sa pagganap bilang Ace “Supremo” Craige sa isa pang series ng Viva One na “Hell University”. Ngayon, siya naman ang gaganap bilang Tripp Palma, ang karakter na orihinal na ginampanan ni Dylan Menor na hindi na muling mapapanood sa serye.
Magsisimula ang “Dating Alys Perez” apat na taon matapos maka-graduate si Alys sa Brenford. Sa paglipas ng panahon, buo na ulit ang kanyang puso at naghilom na sa sakit na dulot ng pagmamahal niya kay Drake Palma. Masaya na muli ang dalaga sa piling ng taong mahal niya, at minamahal din siya nang tapat, ang kanyang boyfriend na si Tripp.
Pero sa isang iglap, babalik ang lahat – ang mga alaala, ang sakit, maging ang pagmamahal na matagal nang binaon sa limot dahil sa muling pagdating ni Drake.
Gagawin ni Drake ang lahat upang muling makuha ang pag-ibig ni Alys. At tulad ng dati, muling iinit ang tensyon sa pagitan nina Drake at Tripp dahil sa pag-ibig nila para sa iisang babae.
Hango sa kuwento ni Ariesa Domingo, o mas kilala bilang Beeyotch, at mula sa direksyon ni Crisanto B. Aquino, muling subaybayan ang mga karakter na minahal ninyo na maghahatid ng panibagong kilig at drama.
Siguradong mas exciting at patuloy na aabangan ang bagong kabanata sa Drake Palma Series. Ang “Dating Alys Perez” ay magsisimula na sa June 12, with fresh episode every Friday exclusive sa Viva One!