Joyride driver na wanted sa rape sa Valenzuela, nabitag sa Rizal
- Published on January 8, 2026
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang mahigit isang taon pagtatago ng isang joyride driver na wanted sa kaso ng panggagahasa sa Valenzuela City matapos matunton ng tumutugis na pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Baras, Rizal.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na ang akusado ay isang 42-anyos na Joyride driver na katala bilang Top 3 Most Wanted sa Valenzuela CPS.
Ang akusado ay may nakabinbing arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 16, Valenzuela City, noong November 18, 2024 para sa kasong Rape in relation to Republic Act 7610 na walang inirekomendang piyansa.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS, kaagad nila ikinasa ang manhunt operation katuwang ang NDIT, RIU-NCR, at Inspectorate Group.
Dakong alas-11:35 ng gabi nang tuluyang maaresto ang aksuado ng mga operatiba ng WSS sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes sa isang residential area sa South Ville 9, Pinugay, Baras, Rizal.
Matapos nito, dinala ang akusado sa Valenzuela City Emergency Hospital para sa medical examination bago tinurnover sa kustodiya ng Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS kung saan siya pansamantalang ipiniit habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa City Jail. (Richard Mesa)