Itinanggi na kasama sa mga na-tokhang…JAY-R, pagkanta pa rin ang raket sa mga karatig bayan (ni: REY PINEDA)
- Published on July 31, 2026
- by Francis Paolo Torres
ITINANGGI ng singer na si JayR Siaboc na naging tricycle driver siya sa Toledo, Cebu.
Pinabulaanan din nito ang balitang kasama siya sa mga na-tokhang nung panahong iyon.
Ang pagkanta pa rin daw ang raket nito sa mga karatig bayan.
Si JayR ang naging 1st runner-up sa ‘Pinoy Dream Academy’ noong 2006, kung saan si Yeng Constantino ang itinanghal na grand champion.
Nilisan ni JayR ang showbiz taong 2011. May gig siya noon sa Cagayan de Oro at pabalik may connecting flight siya sa Cebu.
Dahil sa tindi raw ng kanyang pinagdaanan sa showbiz nagpasya itong maiwan na sa Cebu at umuwi sa kanilang bahay.
Sa isang panayam ni Ogie Diaz kay JayR, madamdamin nitong isiniwalat ang buong katotohanan kung bakit niya nilisan ang showbiz.
Ayon kay JayR, pressure sa environment ang isa sa mga naging dahilan niya. Kasama na dito ang panlolokong ginawa sa kanya ng kanyang dating manager.
Nilimas daw nito ang kanilang joint account. Sa aming pananaliksik, napag-alaman naming isang nagngangalang Mario ang dati nitong manager na taga-Cebu rin.
Kung trabaho lang daw kayang-kaya ito ni JayR. Yung puyat at pagod, talagang di niya kinaya sa taping.
Ang isa sa mga nag-udyok kay JayR na lisanin ang showbiz ay yung plastikan at pagkakaroon ng favoritism sa ASAP.
Yung mga paborito nabibigyan daw ng piyesa ilang araw bago ang live show, samantalang siya sa mismong araw daw ng show ibinibigay ang kanyang piyesa
Inamin din nitong nalulong siya sa bisyo. Pero agad niya itong napigilan nung panahong magkapamilya na siya.
Sa ngayon, pinaghahandaan ni JayR ang kanyang pagbabalik sa music industry.
Sana lang, ihanda na niyang mabuti ang kanyang sarili. Iba ang buhay sa showbiz.
Dapat matuto siyang sumabay sa agos.
Kung minsan na siyang nadapa, dapat sa pagkakadapa niyang iyon marami siyang natutunan upang muling bumangon at lumaban.
Dahil hanggang ngayon, taglay pa rin naman ni Jayr yung boses na minahal sa kanya ng kanyang mga tagahanga.