ISKO TIWALA SA FLOOD CONTROL MEASURES NG MAYNILA
- Published on May 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
NANINIWALA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na mababawasan ang pagbaha sa Lungsod ngayong tag-ulan dahil sa epekyyo ng flood control.
Sa pakikipagtalakayan ng Manila City Hall Press Club, sinabi ni Moreno na tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng Manila LGU kabilang ang paglilinis at pagpapaluwag ng mga daluyan ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng Maynila.
Ayon sa alkalde, malaki na umano ang improvement sa drainage system kaya inaasahan nilang hindi na mararanasan ang matinding pagbaha gaya ng mga nagdaang taon.
Tiniyak din aniya ng Department of Public Works and Highways o DPWH na pinabibilis na ang kanilang mga proyekto upang maiwasan ang pagbaha sa mga pangunahing lansangan.
Kasabay nito, timiyak rin ng alkalde sa mga water at electric concessionaires na matatapos sa takdang oras ang kanilang mga proyekto upang hindi na makadagdag sa problema sa kalsada.
Dagdag pa ni Moreno, tuloy-tuloy rin ang operasyon ng iba’t ibang departamento ng Manila LGU para mapanatili ang kalinisan, kaayusan at kahandaan ng lungsod ngayong panahon ng tag-ulan. (Gene Adsuara)