IMPORMASYON NG MGA BOTANTE, LIGTAS– COMELEC
- Published on May 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
MARIING pinabulaanan ng Commission on Elections (COMELEC) ang kumakalat na impormasyon sa social media na umano’y na-kompromiso ang datos nang mahigit 83 milyong botanteng Pilipino.
Ayon sa COMELEC, hindi totoo ang alegasyong may naganap na data breach sa kanilang sistema. Tiniyak ng ahensya na nananatiling kumpleto at ligtas ang lahat ng datos at impormasyon ng mga botante na nakaimbak sa kanilang network at database.
Base ito sa isinagawang masusing beripikasyon at imbestigasyon ng COMELEC Information Technology Department Security Incident Response Team (ITD SIRT).
Kasabay nito, hinikayat ng COMELEC ang publiko na maging mapanuri at maingat sa mga nababasa, napapanood, at naririnig online upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Pinayuhan din ng ahensya ang publiko na sundan lamang ang official social media accounts ng COMELEC at bisitahin ang kanilang website para sa tamang impormasyon kaugnay ng halalan.
(Gene Adsuara)