IKAPITONG ANGIOPLASTY AT 56 LIBRENG ANGIOGRAM, ISINAGAWA SA OSPITAL NG MAYNILA
- Published on September 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
SA LOOB lamang ng isang taon mula nang buksan ang Cardiac Catheterization Laboratory ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC), nakapagsagawa na ang lungsod ng pitong libreng angioplasty at 56 libreng angiogram para sa mga kwalipikadong pasyente, ayon kay Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Huwebes, Setyembre 10.
Binati ni Domagoso ang OMMC sa unang anibersaryo ng Cardiac Catheterization Laboratory nito, na pormal na binuksan noong Setyembre 8, 2025.
Ito ay kasunod ng matagumpay na pagsasagawa ng ikapitong angioplasty sa isang 70-anyos na lalaking residente ng Maynila, na isinagawa nang walang anumang gastos sa pasyente.
Binigyang-diin ng alkalde ang patuloy na paglawak ng kakayahan ng ospital na pag-aari at pinamamahalaan ng lungsod na makapagbigay ng mahahalagang serbisyong medikal para sa puso nang hindi nagpapasan ng malaking gastusin ang mga pasyente.
Ayon kay Domagoso, tinatayang aabot sa ₱975,000 ang halaga ng isinagawang angioplasty kung ito ay ginawa sa isang pribadong ospital. Sa mga pribadong ospital, maaaring umabot sa ₱800,000 hanggang ₱1.5 milyon ang halaga ng angioplasty. Dagdag pa ng Alkalde na walang binayaran ang pasyente at pinasalamant ang mga taxpayers ng siyudad.
Ang angioplasty ay isang minimally invasive na pamamaraan na ginagamit upang buksan ang mga ugat na barado o makitid at nagbibigay ng suplay ng dugo sa puso. Hindi nito kinakailangang sumailalim ang pasyente sa open-heart surgery at karaniwan ay maaari nang makarekober at makauwi makalipas ang ilang araw.
“Wala pong bayad ang angioplasty sa ating pampublikong ospital, at tuloy-tuloy po ’yan,” ayon sa Alkalde.
Upang mapanatili ang programa at matiyak ang sapat na suplay at kondisyon ng mga kinakailangang kagamitan, sinabi ni Domagoso na naglaan ang pamahalaang lungsod ng halos ₱25 milyon bilang standby funds para sa pagbili at maintenance ng mga kagamitan.
Pinuri rin ng alkalde ang medical team na nasa likod ng matagumpay na mga operasyon, sa pangunguna ni Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, kasama ang mga interventional cardiologist, anesthesiologist, nurse, at radiologic technologist. (Gene Adsuara)