Ikalawang Distrito ng Quezon, Nagkaisa sa Palaro: 2nd District Mayor’s Cup Basketball League 2026, Opisyal nang Binuksan
- Published on November 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
LUNGSOD NG LUCENA — Opisyal nang pinasinayaan ang 2nd District Mayor’s Cup Basketball League 2026 sa Lucena Convention Center noong Biyernes, Oktubre 23, na dinaluhan ng iba’t ibang munisipalidad para sa pagdiriwang ng palakasan, talento, at pagkakaisa.
Pinangunahan ang pagtitipon ng anim na alkalde ng ikalawang distrito na sina Hon. Mark Alcala ng Lucena, Hon. Vincent Arjay Mea, Hon. Marivic Gayeta, Hon. Orlan Calayag, Hon. Erick Wagan, at Hon. George Suayan.
Nagpakita rin ng suporta sina Vice Mayor Roderick “Dondon” Alcala, Dating Alkalde ng Sariaya Marcelo Gayeta, at ang Commissioner ng Mayor’s Cup na si Dating Alkalde ng San Antonio Ariel Wagan Jr. Nakiisa rin sa pagbubukas ang iba’t ibang department heads, kawani ng pamahalaan, mga tagasuporta, at mga mahihilig sa palakasan mula sa iba’t ibang bayan.
Isa sa mga naging tampok ng programa ay ang Search for Miss 2nd District Mayor’s Cup 2026, kung saan kinoronahan bilang kampeon si Princess Diane Noque mula sa bayan ng Dolores. Kinilala rin bilang mga runner-up ang mga kinatawan mula sa Lungsod ng Lucena, Tiaong, San Antonio, Candelaria, at Sariaya.
Matapos ang mga seremonya sa pagbubukas, agad na umarangkada ang maaksyong bakbakan sa hardcourt kung saan ipinamalas ng anim na koponan ang kani-kanilang galing, determinasyon, at mataas na antas ng sportsmanship. (Yvonne Bagang/ Kim Bornella/ Jeremiah Solomon/ Boy Morales)