• July 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

IGLAP-PROTESTA PARA KONDENAHIN ANG AGRESYON, PANGHA-HARASS, PANGHIHIMASOK, AT MGA ISTRUKTURA NG TSINA SA EEZ NG PILIPINAS

NAGSAGAWA ng iglap-protesta, kasabay ng paggunita sa ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, ang iba’t ibang makabayang samahan sa pangunguna ng Filipinos Do Not Yield (FDNY), Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia ng Pilipinas (LIPI), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Kabataang Artist at Manunulat para sa Sining at Kultura (KAMASKARA), kasama ang mga loyalista at pro-BBM groups, sa ilalim ng panawagang “ALAB NG BAYAN: KALAYAAN LABAN SA AGRESYON, PANGHA-HARASS, PANGHIHIMASOK, AT MGA ISTRUKTURA NG TSINA SA ATING EEZ.” Isinagawa ang Iglap-Protesta (Lighting Rally) sa harap ng Embahada ng Tsina sa Makati City, 10am, June 12, 2026.

Layunin ng pagkilos na kondenahin ang patuloy na agresyon, pambubully, pangha-harass, panghihimasok, at pagtatayo ng mga istruktura ng Tsina sa West Philippine Sea, partikular sa Bajo de Masinloc na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nagbabala ang mga kalahok na hindi dapat maulit sa Bajo de Masinloc ang nangyari sa Mischief Reef, na kalauna’y ginawang militarisadong artipisyal na isla. Iginiit din nila ang paggalang sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award na nagpapatibay sa mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ).

Kinondena din ng grupo ang patuloy na paggiit ng Tsina sa tinatawag na “9-10 Dash Line” na anila ay walang sapat na batayang legal, gayundin ang presensya ng mga barko nito sa ilang bahagi ng West Philippine Sea. Binanggit din sa kanilang pahayag ang mga ulat ng umano’y insidente ng pagharang, paggamit ng water cannon, at iba pang aksyon na tinawag nilang pangha-harass at panghihimasok sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Kasabay nito, nagbibigay-pugay ang mga makabayang samahan sa Administrasyong Marcos Jr., kabilang ang DND, AFP, DFA, PCG, at iba pang kaukulang ahensya, sa kanilang maagap at matatag na pagtugon sa mga iligal na gawain ng Tsina sa West Philippine Sea.

Naninindigan ang mga kalahok na ang Bajo de Masinloc ay para sa mga Pilipino at dapat patuloy na ipagtanggol para sa ating kabuhayan, seguridad, pambansang dignidad, at kinabukasan ng mga susunod na salinlahi ng sambayanang Pilipino. 

(PAUL JOHN REYES)