Huwag magtago sa bank secrecy laws, giit ng mambabatas
- Published on April 30, 2026
- by @peoplesbalita
KONSTITUSYON ang mas mananaig kumpara sa ordinaryong lehislasyon, huwag magtago sa likod ng bank secrecy laws.
Ito ang binigyan-diin ni House Committee on Justice chair Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa kanyang opening statement sa pinal na pagdinig ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, walang reklamo o legal maneuver ang maaaring magbaligtad sa pangunahing prinsipyo na may pananagutan ang mga public officials sa sambayanang Pilipino sa lahat ng panahon.
“Magreklamo na sila hangga’t gusto nila, ngunit hindi nito mababago ang isang simpleng katotohanan: ang Konstitusyon ang pinakamataas na batas,” ani Luistro. At ayon sa Konstitusyon, lahat ng opisyal ay dapat may pananagutan sa taumbayan sa lahat ng oras.”
Sinabi ni Luistro na ang anumang limitasyon na ipinapataw sa isang ordinary legislation, kabilang na ang bank secrecy, ay hindi maaaring pumalit sa mandato ng konstitusyon ukol sa transparency at accountability, partikular na sa usapin ng impeachment proceedings.
“Anumang limitasyon na nilikha ng ordinaryong batas—kasama na ang bank secrecy—ay hindi maaaring manaig laban sa mandato ng Konstitusyon para sa public accountability,” paliwanang ni Luistro.
“At tayo sa Komiteng ito ang boses ng utos na iyan, kaya nga pwede tayo mag-issue ng nararapat na subpoena, at lalo na sa kaso ng impeachment, pwede nating hingiin ang report ng AMLC.”
Binigyan diin pa nito na ang bank secrecy laws ay hindi para protektahan ang unexplained wealth kundi para protektahan ang lehitimong deposito.
(Vina de Guzman)