House Bill No. 831 o “Chocolate Hills Geological Monument Act”, balangkasin panawagan ng mambabatas
- Published on June 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
NANANAWAGAN si Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie B. Tutor sa House Committee on Natural Resources na balangkasin ang House Bill No. 831 o “Chocolate Hills Geological Monument Act” sa lalong madaling panahon dahil sa naapektuhan ang kabuhayan ng mga residente na naninirahan sa paligid at loob Chocolate Hills Natural Monument.
Ayon kay Tutor, natapos na ng Technical Working Group na balangkasin ang HB 831 at hinihintay na lamang ang konsiderasyon ng House Committee on Natural Resources.
“Batid ko pong inabutan na ng sine die adjournment ang House Bill 831. Ngunit maaari pa rin naman itong talakayin ng Committee on Natural Resources kahit naka-recess kung gugustuhin. Tapos na ang Technical Working Group noong Abril. Umaasa tayo na mabibigyan ito ng pagkakataong umusad dahil libu-libong Boholano ang matagal nang naghihintay ng malinaw, makatarungan, at pangmatagalang solusyon sa mga usaping may kinalaman sa kanilang lupa at kabuhayan,” pahayag ni Tutor.
Sa ilalim ng HB 831, palalawakin ang framework ng Chocolate Hills Natural Monument habang environmental protection ito at tinutugunan ang concerns ng mga residente, landowners, local communities at local government units sa isyu ng lupain at kabuhayan sa lugar.
Maraming residente sa lugar ay may titulo ang kanilang lupain na sakop ng Chocolate Hills Natural Monument, ayon kay Tutor.
“Hindi natin kailangang mamili sa pagitan ng pangangalaga sa Chocolate Hills at kapakanan ng ating mga kababayan. Kaya nating protektahan ang ating likas na yaman habang binibigyan ng makatarungan at praktikal na solusyon ang mga apektadong residente at komunidad,” sinabi ni Tutor.
(Vina de Guzman)